Image from manilachannel.com

JETSKI AT GIYERA: Ang malawak na imahinasyon ni Duterte sa West Philippine Sea

By Blaise Henry E. Ilan

CAMARINES NORTE NEWS

July 29, 2019

 

Taong 2016 nang magbitaw si Duterte nang mga katagang si James Bond, John Wick, at Cardo Dalisay lamang ang makagagawa, iyon ay ang mag-isang sumakay sa jetski patungong West Philippine Sea upang ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang isla doon.

Tatlong taon na ang nakalipas, wala pa ring aksyon ang Malakanyang, hanggang ngayon ay hindi pa umaandar ang jetski ni Pangulong Duterte na siguro’y made in China rin kung tutuusin. Naloko na, kung gaano kabilis na binangga ng mga intsik ang ating mga kababayang mangingisda ay ganoon naman kabagal na maglabas ng pahayag ang gobyerno sa isyu, nakakahiya naman sa mga intsik, edi wow, Pilipino na ang mag-aadjust.

Nakakainis at nakakatakot ang pagsasawalang bahala nang gobyerno sa mga aksyon na ginagawa ng Tsina sa mga karagatang sakop na ng ating teritoryo. Sila na nga itong trespassing, parang tayo pa ang nag-aadjust at nahihiya. Bakit nga ba humantong sa ganito si Pangulong Duterte? Mula sa dating maangas at astig na tono ay naging apolohetiko ang ating Pangulo sa bansang Tsina.

Sa nakaraang SONA ng Pangulo ay nabigyan tayo ng kasagutan, isang nangungumbinsi at nananakot na argumento na nais ipasok ni Duterte sa utak ng masang Pilipino, marahil ay upang bigyang katuturan ang kanyang pagsasawalang aksyon laban sa bansang Tsina. Isang nagbabantang Duterte ang narinig natin sa SONA, isang Pangulo na nagbababala ng paparating na giyera. Giyera? Isang nga bang katotohanan o palusot?

Hayaan niyong magbigay ako ng ilang opinyon kung bakit ang argumento ng giyera na nais ipilit ng Pangulo ay isang palusot at produkto lamang nang kanyang imahinasyon.

Kasaysayan ng Tsina

Kung ating pag-aaralan ang kasaysayan ng Tsina, ating matutuklasan na ni isang bansa ay wala pa silang nasasakop. Wala sa bokabularyo at maging sa kasaysayan ng Tsina ang pananakop sa alinmang bansa. Ito ay isang argumentong walang kasiguraduhan ngunit karapat dapat rin na bigyang pansin.

Ang pagsakop sa isang bansa ay nangangailangan ng malaking pera at resources kung kaya’t magigi pa itong malaking pasanin sa bulsa ng Tsina kung nais nila talagang sakupin ang Pilipinas. Ang pagsakop sa isang malaking bansa (populasyon) tulad ng Pilipinas ay magastos at walang katuturan, kahit na nga ang kapalit nito ay ang pagsuko ng ating karapatan sa West Philippine Sea.

International Criminal Court at International Community

Sabihin na nating mali ang aking naunang teorya at talaga ngang naging desperado na ang bansang Tsina sa pagkamkam ng mga isla sa Pilipinas, ang pananakop sa panahon ngayon ay isang gawain ng karahasan na hindi hahayaan ng United Nations at maging ng iba pang makapangniyarihang bansa. Kapag sinakop ng Tsina ang Pilipinas, o kahit man lang patamaan ng mga missiles ang bansa natin (katulad nang sinabi ni Duterte sa kanyang SONA), mananagot si President Xi Jinping at ang kanyang administrasyon sa International Criminal Court. May batas na umiiral sa buong daigdig at walang sinumang bansa ang may karapatang mambully at maghasik ng kaguluhan sa ibang bansa sa ilalim ng mga International laws.

Ang diktador ng Iraq na si Saddam Hussein ay isa sa mga napatalsik ng UN forces coalition sa pamumuno ng US bunsod ng mga war crimes at crimes against humanity matapos nitong sakupin ang Kuwait. Pinatalsik sa pwesto at binitay si Hussein dahil sa kanyang mga ginawang karahasan. Sa tingin ko, alam ng Tsina ang kahahantungan ng kanilang bansa oras na magdeklara sila ng giyera laban sa isang maliit na bansa tulad ng Pilipinas.

Pwede rin silang maharap sa ilang sanctions tulad ng economic embargo na lubos na makakapagpabagsak ng kanilang ekonomiya. Ang pressure mula sa ibang bansa upang ipatupad ang arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas ay isang malaking pader na hindi pwedeng basta bastang banggain ng Tsina. Ang pagkalaban ng Tsina sa arbitral ruling ay pagkalaban sa buong mundo.

Ang huling baraha ng Pilipinas: Mutual Defense Treaty

Palaging binabanggit ng mga indibidwal na sarado ang isip ay ang kakayahang pang-militar ng Tsina. Oras daw na giyerahin tayo ng Tsina ay kayang kaya daw tayo nitong pulbusin. Lingid sa kaalaman ng karamihan, merong kasunduan ang Estados Unidos at Pilipinas na ipagtanggol ang isa’t isa sa oras ng giyera na hanggang sa ngayon ay epektibo pa rin. Yan ang rason kung bakit may base militar ang mga Amerikano sa ating bansa, ang Clark Airbase at US Naval Base sa Subic. Nakahanda ang mga kagamitan at active troops ng US upang tumugon sa giyera kung kinakailangan. Magkakaroon ng bisa ang kasunduan oras na may bansang sumalakay sa Pilipinas.

Ang pagdedeklara ng giyera sa Pilipinas ay isa ring pagdedeklara ng giyera sa Estados Unidos, kung U.S ang kakalabanin mo, aba’y mag-isip isip ka muna. Sila lang naman ang pinakamalakas na bansa pagdating sa kakayahang pang-militar dahil sa kanilang mga military bases at modernong kagamitang pang giyera sa iba’t ibang sulok ng mundo.

Oras na may umaway sa maliit at musmos na bansa ng Pilipinas, nandiyan ang kanyang Big Brother na US upang sumaklolo sa sinumang nais sumakop sa kanya. Siyempre, may dahilan sa kasunduang ito, may malaking interes ang bansang Estados Unidos sa ating bansa kung kaya’t pumasok sila sa kasunduan tulad ng Mutual Defense Treaty, ngunit iyan ay mahaba habang usapin pa at hindi na sakop ng punto ng artikulong ito.

The Art of War: Ang giyera ay dapat suportado ng mamamayan

Ayon sa pilosopong si Sun Tzu (intsik) sa kanyang librong Art of War, kinakailangan munang suportahan ng mamamayan ang ideya ng giyera bago ito tuluyang ideklara ng estado. Ito ay sa kadahilanang ang mamamayan ang siyang susuporta sa giyera sa pamamagitan ng buwis. Isang katangahan para sa isang bansa ang pagdedeklara ng giyera nang walang suporta mula sa kanyang mga nasasakupan. Bukod sa tiyak na ang pagkatalo, ito ay magreresulta sa pagkakabahagi ng isang bansa na pwedeng magresulta sa pagbagsak nito.

Ako ay personal na naniniwala na ang lipunang Tsino ay napakahina at marupok para magdeklara ng giyera. Ang mahigpit na komunistang pamamalakad sa Tsina ay nagresulta sa kagustuhan ng mga tao na umalis at lumipat sa mga bansang magbibigay sa kanila ng kalayaan upang magnegosyo at mamuhay ng tahimik. Yan ang rason kung bakit maraming mga Tsino ang naglipana na sa iba’t ibang panig ng mundo upang magsimula ng bagong buhay.

Ang masalimuot na kasaysayan ng Tsina noong Age of the Warring States at Chinese Civil War, pati na rin ang karahasan noong Tiananmen massacre ay lubhang nakaapekto sa kung ano ang kalagayan ng kanilang bansa ngayon. Ang pagkakawatak watak ng lipunang Tsino bunsod ng kanilang sariling gobyerno ay isang malaking factor kung bakit hindi pwedeng basta basta magdeklara ng giyera ang bansang Tsina.

Ang pagkalas ng Taiwan at Mongolia, ang paghingi ng independent na gobyerno ng Tibet, Macau at apat pang Autonomous regions, pati na ang patuloy na protesta sa Hong kong laban sa gobyerno sa Beijing ay isang patunay ng kanilang pagkakawatak watak. Ang karupukan ng Tsina ay maihahalintulad sa isang salamin na kailangang itago at protektahan upang hindi masira. Ang giyera ay posibleng maging opurtunidad ng ilang mga makakaliwang grupo sa loob ng Tsina upang tuluyang kumalas bunsod ng pagtuon ng atensyon nito sa Pilipinas. Ito ay isang senaryo na hindi pwedeng ipagsawalang bahala ng Tsina.

Bago, ang pagdedeklara ng giyera, kailangang siguraduhin ng Tsina na ang kanilang bansa ay talagang matibay sa loob at sa panlabas na aspeto upang magtagumpay, isang bagay na hindi pa maoobserbahan sa ngayon.

Economic Gains ng Tsina

Ang bansang Pilipinas ay isang malaking market ng mga produktong Tsino. Ang mahigit isang daang populasyon ng ating bansa ay isang malaking opurtunidad para sa pag-unlad ng ekonomiyang Tsino. Mula sa mga pang-araw araw na pangangailangan tulad ng toyo, suka, bitsin, hanggang sa mga makinarya tulad ng sasakyan at spare parts nito, lubhang napasok na ng produktong Tsino ang mga merkado ng Pilipinas.

Maging ang mga pinakamalalaking negosyo sa bansa ay pagmamay-ari ng mga Tsino. Ang pagdeklara ng giyera sa isang bansa na malaki ang naiaambag sa iyong ekonomiya ay walang katuturan. Napakalaki ang posibleng mawala sa kita ng Tsina oras na pumutok ang giyera sa West Philippine Sea.

Sa katunayan, may mangilan-ngilang mga pinoy consumers ang nagsimula nang magboycott ng mga produktong intsik dahil sa patuloy na agresyon ng Tsina sa West Philippine Sea. Bagama’t wala pa itong epekto sa kabuuang ekonomiya ng Tsina, malaki ang posibleng maging impact ng ganitong hakbang kung talagang ang mga Pilipino ay magiging independent sa produktong Tsino.

Napakalaki ng nakukuhang economic gains at trade partnerships ng China sa bansang Pilipinas. Ito ay mas malaki pa sa kabuuang interes ng Tsina sa West Philippine Sea.

 

Konklusyon

Ang pagdedeklara ng giyera ay hindi madali kahit na nga sa isang bansa na may malakas na hukbo. Ang pilosopong si Sun Tzu na nagmula mismo sa bansang Tsina ay sumulat ng libro tungkol sa mga pilosopiya at dapat isaalang alang upang manalo sa giyera. Sa kasalukuyang sitwasyon, tila ata hindi papabor sa Tsina ang swerte kahit na nga gamitan pa nila ito ng dragon dance at kung ano- anong Feng Shui rituals.

Ang lumalalang karahasan at protesta sa Hong Kong, ang arbitral ruling ng UN, ang pressures mula sa European Union at US, at maging ang pagsuporta ng mga ASEAN nations sa Pilipinas ay isang malaking banta sa Tsina.

Mas maraming problema ang bansang Tsina na kailangan nitong kaharapin at pagtuunan ng atensyon kaysa sa pagdedeklara ng giyera. Ang political pressure ay na kina Pangulong Duterte at Xi Jinping, kung paano sila kikilos nang naaayon sa interes ng kani-kanilang bansa.

Sa aking opinion, ang argumento ng giyera ay palusot lamang ng dalawang lider na ito, isang paghahasik ng takot sa utak ng kanilang mga mamamayan, upang suportahan ang kanilang mga palpak na foreign policy at kawalang aksyon sa iba’t ibang problemang kinakaharap ng bansa.

Ang pagdedeklara ng giyera ng bansang Tsina laban sa Pilipinas ay isang malayo pang posibilidad, hindi na muna ito dapat isipin, hindi muna ngayon, sapagkat paparating na ang buwan ng Agosto, ang ghost month sa kalendaryong intsik!