Left: Host, Rose Manlangit; Right: Engr. Pol Badiola

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Paghihiwalay ng mga basura, ipinaalala ng PG-PENRO ng Camarines Norte

DAET, Camarines Norte, Hulyo 31 — Ipinaalala ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PG-PENRO) ng pamahalaang panlalawigan ang publiko para sa tamang paghihiwalay ng mga basura lalo na sa mga tahanan.

Ito ay kaugnay sa isinagawang Talakayan sa PIA on air na programa sa radyo ng Philippine Information Agency (PIA) provincial office ng Camarines Norte sa DWCN-FM Radyo Pilipinas sa kapitolyo probinsiya tuwing Lunes.

Ayon kay PG-PENRO Engr. Pol Badiola, sa tahanan pa lamang ay kailangan maturuan sila ng tamang paghihiway ng basura o waste segregation lalo na ang mga mapapakinabangan pa at huwag nang isama ang mga nabubulok ganundin ay iwasan ang pagsusunog ng basura.

Aniya, ang kailangan lang pagdating sa final disposal site ay mga walang pakinabang na mga basura at hindi mabubulok katulad ng mga plastic o cellophane na pinagbalutan ng isda at iba pang pagkain.

Ayon pa kay Badiola, mababawasan rin ang dami ng mga basura na dinadala sa final disposal site at mapapatagal ang lugar ng pinagdadalhan o disposal area at makatitipid ang gobyerno oras ng pagbibiyahe nito.

Matatandaan, ipinahayag rin ni Badiola ang implementasyon at paghihiwalay sa pagtatapon ng basura ay nasa inisyatibo ng bawat lokal na pamahalaan at malaki rin ang ginagampanan ng barangay sa pagpapatupad.

Umaabot naman sa 50-60 porsiyento ng nabubulok na basura ang naitatapon ng bawat tao na dapat mabawasan gaya na lamang ng mga natirang pagkain at agricultural waste na dapat iwanan sa barangay.

Ang mga Materials Recovery Facility (MRF) sa mga barangay ay kailangang mapangalagaan at matutunan ang tamang pag-iipon at paghihiwalay lalo na ang mga basura na maaari pa nating maipagbili at mapakinabangan upang mabawasan rin ang dami nang hinahakot mula sa mga barangay.

 

Reyjun Villamonte – PIA CN

Camarines Norte News