DAET, Camarines Norte, Hulyo 31— Ipinagdiwang sa lalawigan ng Camarines Norte ang linggo ng mga may kapansanan sa pamamagitan ng ika-41 National Disability Prevention and Rehabilitation Week simula Hulyo 17 hanggang Hulyo 23 ngayong taon.

Sa bahagi ng programa ng mga aktibidad ay ang paglalagay ng advocacy streamer sa kapitolyo probinsya.

Isinagawa rin ang Provincial Convention ng mga lider ng mga PWDs sa Camarines Norte na ginanap sa Camarines Norte State College (CNSC).

Nagkaroon sa naturang lugar ng Special Service Caravan kung saan tumanggap ng libreng gamot at medikal ang mga PWDs at iba pang benepisyo na ibinigay sa mga may kapansanan.

Ipinaliwanag naman ng mga ahensiya mula sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Department of Trade and Industry (DTI) Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kanilang maaaring maging benepisyo sa kanilang kalusugan, serbisyo at programang pangkabuhayan.

Nitong Hulyo 19 ay inilunsad sa tanggapan ng PDAO sa kapitolyo ang PWD Knowledge Resource and Tech4Ed Center.

Samantala, ipinahayag naman ni Dr. Rex Bernardo, provincial disability affairs officer ng pamahalaang panlalawigan ang mga programa para sa mga PWDs at kahalagahan ng selebrasyon sa isinagawang Talakayan sa PIA on air sa Radyo Pilipinas na programa ng Philippine Information Agency (PIA) provincial office kamakailan.

Ayon kay Bernardo, ang selebrasyon ay upang ipagdiwang ang kanilang kagalingan ganundin ay maipahayag ang mga nakahanay na programa para sa mga PWDs at base ito rin sa tema na ipinapakita ng mga lokal na pamahalaan ang paglinang sa antas ng kabuhayan at talento ng mga may kapansanan.

Ayon pa kay Bernardo, mayroong nang 9 na tanggapan ng mga PWDs sa ibat-ibang bayan sa Camarines Norte o Municipal Disability Affairs Office (MDAO) na nagbibigay ng suporta sa pamamagitan ng paglalatag ng mga programa at mga serbisyo mula sa lokal na pamahalaan.

Tema ng pagdiriwang ang “Lokal na Pamahalaan: Kabalikat sa Pagtupad ng Karapatan ng mga Taong may Kapansanan.”

 

Reyjun Villamonte – PIA CN

Camarines Norte News