Agosto 2, 2019, Daet, Camarines Norte. Ipinatitigil ng Quezon City Trial Court Branch 223 ang nakatakdang dry run at implementasyon ng Provincial Bus ban sa EDSA ngayong buwan ng Agosto. Ang nasabing panukalang pagbabawal ng mga provincial buses ay nakatakdang ipatupad sa Agosto 7, 2019 ngunit posibleng makansela muna bunsod ng desisyong ipinalabas ng korte.

Ayon sa desisyon ng QC RTC, malaki umano ang posibleng maging impact ng Provincial Bus ban sa negosyo at kabuhayan ng maraming tao. Bukod kasi sa mawawalang kita ng mga Provincial Bus operators, malaki rin umano ang mawawala sa kita ng mga lugar na inuupahan ng halos 47 provincial bus terminals sa Quezon city.

Bigo rin umanong maipaliwanag ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) ang rason kung bakit hindi kasama sa ban ang mga Point to Point at City Buses gayong magkakapareho lang naman ang mga sukat nito.

Matatandaan na matagal nang binabatikos ng ilang mga kritiko at eksperto na hindi solusyon sa trapiko ang panukalang bus ban kundi isa lamang pahirap sa mga mananakay lalong lalo na sa mga taga-probinsya. Napag-alaman kasi sa pag-aaral na sa araw-araw na bilang ng mga dumadaan sa EDSA ay 5% lamang sa mga ito ang provincial buses.

Dahil rito, nauna nang nagfile ng protesta ang ilang mga mambabatas katulad nina Albay 2nd district representative Joey Salceda, AKO-Bikol Partylist Representative Alfredo Garbin Jr. at Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate upang ipatigil ang nasabing bus ban na ayon sa kanila ay hindi makatarungan at anti-poor.

Samantala, binibigyan naman ng pagkakataon ng Quezon city Regional Trial Court ang MMDA at LTFRB upang sumagot at magfile ng Motion for Reconsideration hanggang Agosto 14, 2019. 

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News