Agosto 3, 2019, Daet, Camarines Norte. Tapos na ang maliligayang araw ng ilang mga iligal na establisyemento at istraktura na nakahambalang sa mga tabing kalsada sa buong bansa, ito ay matapos maglabas ng kautusan ang DILG (Department of Interior and Local Government) na nagpapaalis sa mga nasabing establisyemento sa mga pangunahing kalsada nang sa gayon ay lubusan itong magamit ng publiko.

Ayon sa Memorandum Circular no. 2019-121 na ipinalabas ng ahensya, binibigyan na lamang ng 60 araw na palugit ang mga istraktura na nakahambalang sa tabing kalsada upang ilipat ito sa maayos na lugar.

Saklaw nito ang mga iligal na tindahan na halos okupahin na ang kabuuan ng kalsada, mga kabahayan na lumampas na sa kanilang hustong sukat, at ang lahat ng pribadong establisyemento na sapilitang sinakop ang tabing kalsada para sa kanilang interes.

Kaugnay nito ay pinulong na ni Gobernador Edgardo Tallado ang mga alkalde ng iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Camarines Norte upang agad na tumalima at ipatupad ang nasabing direktiba ng DILG.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng assessment ang iba’t ibang LGU’s sa lalawigan katuwang ang mga Pamahalaang Barangay upang ipatupad ang kautusan sa lalong madaling panahon.

Samantala, umani naman ng magandang feedback sa publiko ang nasabing direktiba dahil sa inaasahang bahagyang pagluwag ng trapiko sa mga downtown areas ng bayan.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News