Agosto 21, 2019, Daet, Camarines Norte – Isinusulong ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Daet at Department of Health (DOH) ang pagkakaroon ng Botika ng Bayan (BNB) sa tatlong Rural Health Units (RHU) na nasasakop ng bayan.

Sa ginanap na regular na sesyon ng Sangguniang Bayan nitong nakatalikod na Lunes, Agosto 19, 2019, malugod na ibinalita ni Daet Municipal Councilor Ma. Eliza H. Llovit ang resulta ng kaniyang pakikipagpulong sa mga opisyal at miyembro ng Local Health Board sa pamumuno ni Dr. Noel Delos Santos – Municipal Health Officer, kung saan isa sa mga napag usapan ay ang napipintong pagkakaroon ng Botika ng Bayan sa lugar.

Ayon kay Committee Chair on Health Llovit, hinihintay na lamang ang lagda ni Mayor Benito “B2K” Ochoa sa letter of intent para sa naturang proyekto gayundin ang signing ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng LGU at ng DOH upang masimulan na ito.

Aniya, malaking tulong ang nasambit na proyekto dahil ito ay magiging bukas o accessible sa publiko  lalung lalo na sa mga kababayan na indigents o nasa marginalized sector ng lipunan. Dito ay maaari ng makakuha ng libreng gamot para sa mga pangkaraniwang karamdaman tulad ng infections, skin ailments, asthma at ilang sakit na hindi nakakahawa tulad ng sakit sa puso, diabetes, osteoporosis, hypertension at iba.

Ilan sa mga uri ng gamot na matatagpuan sa BNB ay antibiotics, topical ointments, anti-thrombotic, anti-inflammatory, antacids maging mga bitamina.

Napag alamang isang milyong piso halaga ng gamot ang inilaan ng DOH kada BNB na replenishable quarterly.

Magugunitang Hulyo nitong nakatalikod na taong 2018 nang muling buhayin ng administrasyon ni Pres. Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng DOH ang nasambit na programa kung saan sinabi ni Undersecretary Enrique Domingo sa relaunching nito na “The DOH is relaunching anew the BnB program in partnership with our local government units (LGUs) to realize President Duterte’s vision that no Filipino should go home without free access to basic medicines when needed and that quality essential medicines should be accessible and affordable for all Filipinos”.

Sa ngayon ay isa sa tatlong RHU (RHU 1 na matatagpuan sa compound ng Daet Municipal Building) ang nakahanda na para sa nasambit na programa. Gayunpaman, inaasikaso na rin umano na susunod ding malagyan ng BNB ang dalawa (2) pang RHU na hindi pa agarang maisabay dahilan sa kakulangan sa ilang requirements tulad ng kakulangan ng lisensyadong pharmacist.

 

Camarines Norte News