Agosto 22, 2019, Mercedes, Camarines Norte – Kulungan ang bagsak ng isang 29 anyos na babae mula Purok 5, Brgy. Colasi, Mercedes, Camarines Norte matapos madakip ng mga personel ng Mercedes Municipal Police Station dahil sa kinakaharap na kasong Robbery with Frustrated Homicide.

Dakong 12:30 kahapon nang arestuhin sa kanilang tahanan sa nasambit na lugar ang suspek na kinilalang si Melojean Topular y Jazareno.

Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Roberto Escaro ng Regional Trial Court Branch 38 na may petsang August 25, 2015.
Nahaharap ang suspek sa kasong Robbery with Frustrated Homicide na may nakarekomendang piyansa na Php 200,000.00 para sa pansamantalang kalayaan.

Ayon sa Mercedes PNP Marso pa ng taong 2015 nang maganap ang krimen kung saan pinagtangkaan umano ng suspek ang buhay ng lolo nito.

Humingi umano ang suspek ng pera sa matanda subalit nabigo bagay na ikinagalit nito kaya umano nagawa nitong tagain at pagnakawan ng alahas ang lolo.

Nabatid na nasa impluwensiya ng alak ang suspek ng maganap ang insidente.

Nasa kustodiya Mercedes PNP ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

 

Camarines Norte News