Agosto 25, 2019, Daet, Camarines Norte – Mahigpit pa ring ipinatutupad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang hindi pag iisyu ng lisensiya sa mga bagong commercial fishing vessel (CVF).

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Fishery Regulations Officer II Francisco Dollisen ng BFAR Camarines Norte, umiiral pa rin sa kasalukuyan ang moratorium kung saan nakasaad na sa loob ng tatlong taon ay ipinagbabawal muna ng ahensiya ang pagbibigay ng  lisensiya sa mga bagong aplikante na may ari ng CVF.

Ito ay upang makarekober ang karagatan at mabigyan ng sapat na panahon na muling makapagparami ang mga isda dito. Magugunitang nagiging malaking banta sa aspeto ng pangingisda ang overfishing na dulot ng pagdami ng CVF idagdag pa ang ilang isyu ng iresponsableng pangingisda na tinutugunan naman ng ahensiya.

Ayon pa sa opisyal, possible umanong maextend ng higit pa sa tatlong taon ang nasabing moratorium depende sa magiging desisyon ng central office.

Napag alamang umaabot sa 153 commercial fishing vessel ang nagingisda sa karagatang sakop ng  Camarines Norte at rehiyong Bicol.

 

Camarines Norte News