Agosto 28, 2019, Daet, Camarines Norte – Hinirang bilang 2018 National Outstanding Barangay Nutrition Scholar (NOBNS) ng National Nutrition Council (NNC) ang isang Barangay Nutrition Scholar (BNS) mula sa bayan ng Daet.

Kinilala itong si BNS Eden A. Cordova mula sa Barangay Awitan.

Sa ipinadalang sulat ng Pambansang Sanggunian sa Nutrisyon sa pamamagitan ni OIC Dr. Azucena M. Dayanghirang kay Mayor Benito “B2K” Ochoa bilang Chairperson ng Municipal Nutrition Committee, ipinaabot ng NNC ang pagbati para sa pagkakahirang kay BNS Cordova bilang nakakuha ng pinakamataas na parangal sa nasambit na patimpalak base sa naging desisyon ng NNC Technical Committee na nagsala sa mga BNS na kalahok mula sa ibat ibang rehiyon sa bansa.

Kaugnay nito, isasagawa ang pagpaparangal kay Cordova sa araw ng biyernes, Agosto 30, 2019 sa Reception Hall ng Philippine International Convention Center (PICC).

Tatanggap ang natatanging BNS na si Cordova ng tropeyo at cash incentive na nagkakahalagang isang daan at limampung libong piso (Php 150,000.00).

Nabatid na sumailalim si Cordova sa ibat ibang lebel ng selection process kabilang na ang municipal, provincial at regional evaluation hanggang makarating sa national level kung saan nakatunggali at naungusan nito ang hindi bababa sa labindalawa pang mga BNS mula sa ibang rehiyon kung saan sila ay nagtunggali sa ibat ibang aspeto kumpetisyon tulad ng written exam, hands on – computer report, interview at iba pang aspetong ng nauugnay sa pagganap ng kanilang tungkulin bilang BNS.

Napag alamang ibinibigay ang nasabing parangal sa BNS na nagpakita ng natatangi at kahanga hangang dedikasyon sa pag ganap ng tungkulin bilang nutrition volunteer sa kanyang barangay kabilang na ang pagpupursigi na matulungan ang gobyerno sa implementasyon ng mga programang pang nutrisyon, gayundin sa mga proykto at aktibidad na naglalayong labanan ang malnutrisyon sa kanilang lokalidad.

 

Camarines Norte News