Agosto 29, 2018, Daet, Camarines Norte – Matapos ang mahabang panahon ay ganap ng unibersidad ang Camarines Norte State College sa bayan ng Daet.

Ngayong araw ay isinapubliko na ang kopya ng Republic Act (RA) No. 11399 na nagsasaad ng pagiging ganap na unibersidad ng CNSC.

Nabatid na pormal na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasambit na batas nitong ika-22 ng Agosto, taong kasalukuyan kaya naman tatawagin na ang CNSC na University of Camarines Norte.

Kalakip ng pagbabago ng estado ng CNSC ay ilang mga kautusan at requirements na kailangang maicomply tulad ng pagpapasa ng 5 year development plan kabilang ang program budget sa Commission on Higher Education (CHED) at kailangan din nitong sumailalim sa management audit sa tulong ng naturang ahensiya.

Inaatasan rin ito na magsagawa ng organizational, administrative at academic structures bilang Unibersidad.

Ang mga Board of Regents naman ay inaatasan rin na magbuo ng kanilang mga ipapatupad na rules and regulations sa pamamagitan ng isasagawang konsultasyon sa CHED sa loob ng animnapung araw matapos maging epektibo ang naturang batas.

Labis naman ang kasiyahan ng mga CamNorteño lalo na ng mga guro at mag aaral sa magandang balitang ito na isang malaking hakbang sa pag aangat ng kalidad ng edukasyon sa probinsiya.

Ang ilan naman ay nagpaabot na ng pasasalamat sa mga taong nasa likod ng tagumpay na ito partikular na kay Cong. Renato “Jojo” Unico at Cong. Marisol “Toots” Panotes na masigasig na nagsulong upang malagdaan ng Pangulo ang naturang batas.

Magiging epektibo ang nasambit na batas 15 araw matapos itong mailathala sa mga pampublikong pahayagan.

 

Camarines Norte News