Setyembre 3, 2019, Daet, Camarines Norte – Nilinaw ng CNWD – Prime Water sa pamamagitan ni Branch Manager Mark Anthony Muroda II na hindi sapat ang nakuhang tubig ulan mula Enero ngayong taon dahilan para bumagsak sa kritikal na lebel ang tubig sa mga spring sources kaya nakakaranas ng kakapusan sa supply ng tubig sa ibat ibang bahagi ng lalawigan.

Sa ginanap na press conference ng CNWD-Prime Water kagabi, ipinaliwanag ni Muroda sa mga miyembro mg media sa lalawigan na ito ang pangunahing rason sa nararanasang problema sa tubig sa probinsiya.

Aniya, karaniwan nang inaakala ng mga konsesyunaryo na kapag umuulan o bumagyo ay nagkakaroon na ng supply ng tubig sa mga spring sources.

Bagaman nakararanas ng mga manaka-nakang pag ulan, hindi ito sapat dahil may nirerequire umano na panahon na kinakailangan upang makarekober o makapag recharge ang mga spring sources at kinakailangan dito ng “consistent” o tuloy tuloy na buhos ng ulan na hindi bababa sa limang araw upang makakalap ng sapat na dami ng tubig.

Base sa datos ng Prime Water, mula sa 8,579 millimeters na naitalang dami ng ulan mula buwan ng Enero hanggang Mayo sa taong 2018, bumaba sa 3,082 millimeters na lamang sa parehong mga buwan ngayong taong 2019.

Gayunpaman, tinutugunan umano nila ang nasambit na problema sa pamamagitan ng pagkuha sa mga surface water tulad ng sa Dagotdotan Filtration Facility (DFF) at pag gamit ng mga storage tanks at boosting system subalit hindi agad agad na mararamdaman ang magandang serbisyo ng tubig dahil hindi naman umano pwedeng biglaang itaas ang pressure dahil bibigay ang mga lumang luma nang tubo ng CNWD na kanila pang nirerehabilitate sa kasalukuyan.

 

Camarines Norte News