Setyembre 3, 2019, Daet, Camarines Norte – Ipinaabot ni Konsehal Pedro S. Musa ng bayan ng Daet ang kaniyang pagkadismaya sa pamunuan ng CNWD-Prime Water dahil umano sa ginagawang rehabilitasyon sa mga tubo nito kung saan nagiging problema ang mga hinukay na bahagi ng kalsada.

Sa pagharap ni CNWD-Prime Water Branch Manager Mark Anthony Muroda II sa ika 33 regular na sesyon ng SB Daet, inihayag ni Konsehal Musa ang pagkadismaya sa mga iniwang hukay umano ng mga personel na nagsasagawa ng rehabilitasyon ng mga tubo sa ilang kalsada sa bayan ng Daet partikular na sa J.Lukban, Diego Liñan at Pineapple Street.

Aniya, nakakalungkot umano na inaabot ito ng ilang buwan bago masementong muli at hindi rin umano maganda ang kalidad ng semento na ipinapalit ng mga ito sa hinukay ng kalsada.

Hiling ng kosehal na kung ano aniya ang kalidad ng semento na kanilang hinukay ay ganun din ang ibalik ng mga ito bilang pareho lamang umano silang nagsisikap na makapagbigay ng magandang serbisyo sa mga Daeteño.

Sagot naman ni Engr. Muroda, nakipag ugnayan na sila sa DPWH upang mabigyan sila ng lehitimong contractor na tututok sa nasambit na pagawain dahil sa ngayon ay temporary restoration pa lamang ang ginagawa dito. Aniya, inuunang matapos ang hinukay na bahagi ng J.Lukban St. na ngayon ay nasa 80% na.

Hindi rin umano ganoon kadali ang pagpapatuyo ng semento sa nasabing mga butas.

Siniguro naman nito na sisikapin nilang agad na maibalik sa dati ang mga kalsadang apektado ng paghuhukay.

 

Camarines Norte News