Setyembre 5, 2019, Daet, Camarines Norte – Mariing pinabulaanan ng Primewater Infrastructure Corporation ang usapin ukol sa taas singil sa tubig sa lalawigan ng CamNorte.

Sa naging pagharap ni Branch Manager Mark Anthony Muroda II kamakailan sa media, nilinaw nito na wala pang dagdag singil na ipinapataw sa mga kunsesyunaryo maliban sa 12% Value Added Tax (VAT) na hindi naman aniya napupunta sa kanilang pamunuan maging sa CNWD kundi sa National Government.

Dagdag pa ni Muroda, kung sakali mang hihiling sila ng taas singil ay dadaan ito sa pamunuan ng CNWD at Local Water Utilities Administration (LWUA).

Aniya ang mga nasambit na ahensiya ang may pinal na desisyon sa pagtatakda ng amount na kanilang maaaring ipataw.

Magugunitang nakatanggap ng kaliwa’t kanang batikos ang Prime Water ukol sa diumao ay pagtaas ng singil sa tubig sa lalawigan mula ng pumasok ito sa (Joint Venture Agreement) JVA kasama ang CNWD tatlong taon na ang nakakalipas.

 

Camarines Norte News