Setyembre 5, 2019, Daet, Camarines Norte – Wala nang buhay ng makarating sa ospital ang rider ng isang motorsiklo habang malubha namang sugatan ang driver ng isang tricycle na nasangkot sa insidente ng banggaan sa P-1, Barangay Calasgasan, Daet, Camarines Norte dakong 8:49 kagabi, Setyembre 4, 2019.

Sangkot sa naturang aksidente ang isang Mitsukoshi Rapido 110 single motorcycle na minamaneho ni Rolando Cabanes y Roldan, 57 anyos, construction worker, residente ng Purok 6, Barangay Daculang Bolo, San Lorenzo Ruiz at isang pampasaherong tricycle na may body number 1054 (Daet) na minamaneho naman ni Ferdinand C. Bardon, 50 anyos, may asawa atresidente ng Purok 2, Barangay Magang, Daet, Camarines Norte.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Daet PNP, nabatid na binabagtas ng tricycle ang San Lorenzo road patungo sa centro ng Daet ng pagsapit sa lugar ng insidente ay nakasalubong nito ang motorsiklo na patungo namang bayan ng San Lorenzo Ruiz.

Mabilis umano ang takbo ng motorsiklo at kinain nito ang linya ng kasalubong na tricycle.

Dito na nagkabanggaan ang dalawang sasakyan kung saan parehong nagtamo ng malalang pinsala ang parehong driver.

Agad isinugod ang dalawa sa Camarines Norte Provincial Hospital ng mga rumispondeng personel ng MDRRMO Daet subalit idineklarang dead on arrival si Cabanes habang patuloy naman nilalapatan ng lunas si Bardon.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Daet PNP sa naganap na insidente.

 

Camarines Norte News