Setyembre 5, 2019, Daet, Camarines Norte – Sugatan ang isang ginang sa isang insidente ng pamamaril na naganap dakong 6:15 kagabi, Purok 3, Barangay Matacong, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte.

Kinilala ang biktimang si Gloria Deluyas y Delos Angeles, 43 anyos, residente ng nasambit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng San Lorenzo Ruiz Municipal Police Station, nag ugat ang pamamaril ng suspek na si Rey Macale y Dimaano, 30 anyos, residente ng parehong lugar, matapos umanong sitahin at paluin ng biktima ang mga anak nito.

Dahil sa galit, binaril ng suspek ang biktima na nagtamo ng tama sa bahagi ng likod nito.

Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na lugar habang agad namang isinugod sa pagamutan ang duguang biktima.

Samantala, sa isinagawang hot pursuit operation ng San Lorenzo Ruiz MPS ay nadakip din ang suspek dakong 11:45 kagabi sa Purok 6 ng parehong Barangay.

Nasa kustodiya na ng nasambit na himpilan ng kapulisan ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

 

Camarines Norte News