Setyembre 10, 2019, Vinzons, Camarines Norte – Patay ang driver ng isang motorsiklo habang sugatan naman ang isa pang driver at angkas nito sa aksidenteng naganap sa Vinzons Avenue, Purok 1, Sitio Mangcruz,Barangay Calangcawan Sur, Vinzons, Camarines Norte dakong 12:40 ng madaling araw kahapon, Setyembre 9, 2019.

Kinilala ang nasawing driver na si Alexander P. Laguador, binata, 36 anyos, residente ng Purok 2, Barangay Bulhao, Labo, Camarines Norte na minamaneho ang Kawasaki Fury na sagnkot sa aksidente.

Base sa tala ng Vinzons Municipal Police Station, binabagtas ng nasambit na motorsiklo ang kahabaan ng kalsada patungong bayan ng Daet habang mabilis naman umanong binabagtas ng Honda Wave motorcycle  na minamaneho naman ni Rustom Salamero y Excija 21 anyos, binata Purok 3, Barangay Calangcawan Sur, Vinzons, Camarines Norteang kabilang kalsada na papunta naman sa poblacion ng Vinzons.

Pagsapit sa lugar ng insidente, bigla umanong nag overtake ang Honda wave sa nasa unahan nitong sasakyan at tinamaan ang handle bar ng Fury na kasalubong nito dahilan para mawalan ng control ang driver na sumalpok sa isang poste ng street light sa lugar.

Nagtamo ng malubhang injury sa ulo ang driver ng Fury na si Laguador habang sugatan naman si Salamero at angkas nito matapos matumba ang kanilang sinasakyan.

Agad na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital ang tatlo subalit idineklarang dead on arrival si Laguador.

Nagsasagawa na ng follow up investigation ang kapulisan kaugnay sa nasambit na insidente.

 

Camarines Norte News