Setyembre 11, 2019, Daet, Camariness Norte – Nagpahayag na ng pagtutol sa planong Magnetite Mining Exploration sa lalawigan si Mayor Benito “B2K” Ochoa ng bayan ng Daet.

Matapos maaprubahan ang resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Daet na kumukontra sa nasambit na pagmimina, magpapalabas na din umano ng sulat si Mayor Ochoa na mahigpit na kumukundena sa planong mining exploration kung saan isa sa mga pangunahing maapektuhan ay ang karagatang sakop ng Brgy. Bagasbas.

Ayon sa Alkalde, masama ang magiging epekto nito partikular na sa marine sanctuary sa lugar kung saan namumuhay ang maraming marine species na pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga mangingisda sa nasambit na barangay maging ng mga karatig barangay nito.

Magdudulot din umano ito ng problemang pangkalikassan pagtagal ng panahon kung saan maraming aspeto ang maaapektuhan tulad ng turismo kaya nararapat lamang na kahit eksplorasyon pa lamang ang hinihiling ay pigilan na ito dahil halos katulad na rin umano ito ng pagmimina.

Samantala, inaasahan na ring magpapahayag ng pagkundena ang iba pang opisyal ng mga Lokal na Pamahalaan na sakop ng nasambit na plano.

 

Camarines Norte News