Setyembre 11, 2019, Daet, Camarines Norte – Pinalilimitahan ng CNWD/PrimeWater ang pag gamit ng pansariling booster pump ng mga commercial establishments sa lalawigan.

Ito ang naging sagot ni Prime Water Branch Manager Mark Anthony Muroda II sa naging katanungan ng media sa ginanap na Water Info Exchange kamakailan tungkol sa ginagawa nilang hakbang sa reklamo ng ilang residente na karatig ng mga commercial establishments na gumagamit ng sariling water booster pumps.

Nabatid na ilang konsumidores ang nagrereklamo dahil wala ng tubig sa kanilang mga gripo habang malakas naman ang tubig sa karatig nilang commercial establishment.

Ayon kay Muroda, aminado sila na hindi nila natututukan ang pagbabantay sa mga ito. Gayunpaman, kapag may mga reports o reklamo naman aniya ay agad nila itong pinupuntahan at kanilang iniinspeksiyon.

Nagkakaroon lang umano sila ng problema dahil kapag dumadating sila sa lugar na inirereklamo ay hindi nila naaabutan na nag ooperate ang booster pump. Hindi aniya malinaw kung natutunugan o napaghahandaan nito ang pagdating ng team mula sa kanilang opisina.

Sa kabila nito, kanila umanong pinakikiusapan ang mga may ari ng commercial establishments partikular na ang mga hotels, resorts at restaurants na limitahan ang pag gamit nito at sundin ang disenyong nakalaan para sa paglalagay ng sariling booster pump.

Dapat aniya ay may storage tanks din ang mga ito para hindi direktang hihigop ng tubig sa mismong distribution line kung saan maaapektuhan ang mga karatig na residential area lalo na ngayong nararanasan ang krisis sa tubig.

Sa huli ay hiniling ni Muroda ang tulong ng mga konsesyunaryo na ipaalam sa kanilang opisina kung nararanasan ang kahalintulad na problema at ng kanila itong maaksyunan.

 

Camarines Norte News