KORTE SUPREMA, PINABORAN ANG PETISYON NI GOB. TALLADO HINGGIL SA LEGALIDAD NG PAGTAKBO NITO SA NAKATALIKOD NA ELEKSYON!

Septyembre 12, 2019, Daet, Camarines Norte – Sa botong 8-6, pinaboran ng Kataastaasang Hukuman ang petisyon ni Gobernador Edgardo Tallado na kumukwestyon sa desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na nagdidiskwalipika sa gobernador sa nakatalikod na halalan noong Mayo ng kasalukuyang taon.

Sa desisyon na isinulat ni Chief Justice Lucas P. Bersamin, binatiktad ng Supreme Court En Banc ang unang desisyon ng COMELEC na nagdidiskwalipika kay Tallado sa nabanggit na halalan.

Kasama ni Chief Justice Bersamin sa pagpabor sa petisyon ni Tallado sina Justices Diosdado M. Peralta, Alexander G. Gesmundo, Andres B. Reyes, Jr., Jose C. Reyes, Jr., Amy C. Lazaro-Javier, Henry Jean Paul B. Inting, at Rodil V. Zalameda.

Samantalang hindi naman sumang-ayun sa desisyon sina Justices Francis H. Jardeleza, Antonio T. Carpio, Estela M. Perlas-Bernabe, Marvic M. V. F. Leonen, Alfredo Benjamin S. Benjamin Caguioa at Rosmari D. Carandang.

Magugunitang iniakyat ni Gobernador Edgardo Tallado sa korte suprema ang usapin matapos na idiskwalipika ito ng COMELEC sa kanyang pagtakbo bilang gobernador nitong nakatalikod na eleksyon. Agad namang nakapagpalabas ng Status Quo Ante Order (SQAO) na nagbibigay laya dito para ituloy ang laban.

Umani ng umaabot sa 149,002 na bilang ng boto si Tallado habang ang kanyang katunggali na si Cathy Barcelona-Reyes ay nakakuha naman ng 104,635 na boto, o may kabuoang kalamangan si Tallado na 44,349 na boto laban kay Barcelona-Reyes.

Binigyan diin ng Supreme Court na nagkaroon ng involuntary interruption sa kanyang panunungkulan matapos na sya ay madismiss sa serbisyo ng Office of the Ombudsman. Nangangahulugan umano ito na hindi nakumpleto ng gobernador ang kanyang tatlong sunod termino (three full terms) kung kaya’t maaari pa itong tumakbong muli ayun sa panuntunan ng halalan.

Ito na ang ika-apat na pagtakbo ni Tallado sa pag gigiit na hindi nya natapos ang pangatlong termino. Ito rin ang naging dahilan ng Supreme Court En Banc sa pagbaliktad sa diskwalipikasyon dito ng COMELEC En Banc.

Nag ugat ang kaso matapos na kwestyonin sa COMELEC nina Norberto Villamin at Senandro Jalgalado ang pag takbo ni Gobernador Tallado nitong nakatalikod na halalan at iginiit na ika-apat na termino na ito ng gobernador.

Unang naging punto ng COMELEC sa kanilang desisyon ay ang kawalan umano ng finality ng unang desisyon ng Ombudsman sa pag dismiss kay Tallado matapos itong umapela at nauwi sa suspensyon lamang, kasabay pa ng pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) sa pagpapatupad ng dismissal.

Taong 2015, nang suspendihin noon ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales si Tallado at noong Marso 2018 tuluyan na itong nauwi sa perpetual disqualification from the office. Ito naman ay nag ugat sa kasong isinampa ni dating provincial veterinarian Dr. Edgardo Gonzales laban sa gobernador para sa grave abuse of authority at grave misconduct dahilan sa pagsibak dito ng gobernador sa posisyon at itinalagang information officer ng pamahalaang panlalawigan.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Governor Tallado sa kanyang mga taga suporta na sa kabila ng mga balakid sa kanyang pag takbo sa nakatalikod na halalan ay labis labis pa din ang naging suporta ng mga ito na nagbigay sa kanya ng malaking kalamangan.

Sa ngayon, matapos ang desisyon ng Supreme Court En Banc na pumabor sa gobernador, hangad na nito ang pagkakaisa ng lahat, tapusin na ang pulitika at magtulungan para sa patuloy na pag unlad ng lalawigan ng Camarines Norte.

 

Rodel M. Llovit/Cool Radio News

Camarines Norte News

 

Source: SC Public Information Office
Ground Floor, New Supreme Court Building
Supreme Court of the Philippines
Padre Faura Street, Ermita, Manila   1000
Tel. No. (+632) 522 5090; (+632) 522 5094