Setyembre 12, 2019, Daet, Camarines Norte – Nagtipon ang mga miyembro ng Camarines Norte Consumers Protection Group kasama ang iba pang mga indibidwal sa harap ng tanggapan ng CNWD-Prime Water kahapon, Setyembre 11, 2019 kung saan nila ipinaabot at ipinaglaban ang kanilang mga saloobin tungkol sa hindi magandang serbisyo ng tubig sa lalawigan at iba pang isyung kaugnay dito.

Isa pa rin sa pinakamainit na panawagan ng grupo ang pagbasura sa Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng CNWD at Prime Water Infrastracture Inc. na itinuturong ugat ng nararanasang krisis ngayon dahil hindi naman umano nakararanas ng ganitong kakapusan sa tubig ang lalawigan noong panahon na CNWD lamang ang nangangasiwa dito.

Anila, labag sa batas ang naturang JVA dahil hindi ito dumaan sa public hearing at sinadyang itinago sa mga konsumidores.

Giit ng grupo, tatlong taon ng niloloko ng CNWD at Prime Water ang mga konsumidores sa pangakong magandang serbisyo kapalit ng naturang JVA subalit hindi naman umano ito nararamdaman bagkus ay lumalala pa kaya naman tinawag na panloloko at pera-perang labanan lamang ito ng isang miyembro ng CPG na si Roberto “Bert” Albia.

Tinawag pang sinungaling, manloloko at ganid ng nagngangalit na mga kunsomidores ang mga opisyal ng CNWD at PrimeWater lalung lalo na umano ang pamilya Villar na may ari ng Prime Water Infrastructure Inc.

Nais ng grupo na umalis nalang sa lalawigan ang nasambit na kumpanya dahil problema lamang umano ang dala ito tulad ng nangyari sa iba pang mga lugar na pinangakuan nito ng magandang serbisyo subalit ngayon ay umaalma na rin.

Ayon sa grupo hindi sila titigil na lumaban hangga’t hindi naaayos ang serbisyo ng patubig na matagal na umanong nagpapahirap sa mga CamNorteño.

Samantala, wala pang pormal na tugon ang pamunuan ng CNWD-PrimeWater ukol sa nasambit na rally.

 

Camarines Norte News