Setyembre 13, 2019, Jose Panganiban, Camarines Norte – Arestado matapos mahuli sa akto ng pagtangay ng mga gadget ang isang 18 anyos na binata sa Brgy. Sta. Rosa Norte, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si Ric Data y Bailon, 18 anyos, binata at residente ng Purok 8, Brgy. Gumaos, Paracale, Camarines Norte.

Base sa tala ng Jose Panganiban PNP, dakong 2:30 ng hapon kamakalawa habang patungo ang isang Rolando Gamboa sa tahanan ng pinsan nitong si Kenn Dalde y Mabongnay sa nasambit na lugar, nahuli umano nito ang suspek na palabas sa naturang bahay bitbit ang tablet, charger at speaker na pag aari ng biktima.

Nagulat umano ang suspek na agad binitawan ang mga ninakaw na gamit at nagtangkang tumakas subalit naharang ito ng kapatid ng biktima.

Sa follow up investigation ngkapulisan, napag alamang pwersahang pinasok ng suspek ang bahay ng biktima sa pamamagitan ng pagsira sa plywood sa isang bahagi ng bahay.

Dinala na ang suspek sa Jose Panganiban MPS para sa kaukulang disposisyon.

 

Camarines Norte News