Setyembre 13, 2019, Daet, Camarines Norte – Target ng CNWD-Prime Water na madagdagan pa ang mga fire hydrants at makapagbigay ng reinforcement kung sakaling magkaroon ng sunog sa lalawigan.

Ito ang naging pahayag ni Prime Water CamNorte Branch Manager Mark Anthony Muroda II sa naging panayam ng Cool Radio News Fm kaninang umaga.

Nilinaw ni Muroda na bagaman pinalitan nila ng mas maliit na tubo ang mga lumang fire hydrants, sa take off point lamang umano ito at nananatiling malaki ang tubo sa main line kaya mabilis pa ring makakakuha ng tubig dito ang mga bumbero sakaling magkaroon ng sunog.

Dagdag pa nito, inaasikaso na din umano nila ang pagdaragdag ng fire hydrants at masunod ang target na magkaroon nito sa bawat 400m radius. Bukod pa dito ay tuloy tuloy din umano sila sa rehabilitation ng mga lumang fire hydrants.

Nakikipag uganayan din umano sila sa Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan taun taon ay nagbibigay sila dito ng updated na plano kung saan matatagpuan ang mga operational na fire hydrants.

Sa kasalukuyan din aniya ay meron na silang proposal sa BFP kung saan nakasaad na handa silang magbigay ng reinforcement sa pamamagitan ng pag gamit sa mga tangke ng tubig upang makatulong lalo na kapag malaki ang sunog.

Sa kabila ng nararanasang krisis sa tubig ay siniguro ng BM na tuloy tuloy ang kanilang koordinasyon sa mga ahensiya na nangangailangan ng kanilang serbisyo lalo na sa panahon ng sakuna tulad ng sunog.

 

Camarines Norte News