Setyembre 13, 2019, Daet, Camarines Norte – Matapos paboran ng Kataastaasang Hukuman ang petisyon ni Gov.Edgardo Tallado na kumukwestyon sa desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na nagdidiskwalipika sa kanya sa nakatalikod na eleksiyon ay nagpasalamat ang gobernador sa mga kapwa Camnorteño na hindi tumigil sa pagsuporta sa kanya at hiniling din sa mga katunggali na itigil na ang pulitika.

Sa panayam ng Cool Radio News Fm, sinabi ng Gobernador na lubos niyang ikinatuwa ang naging desisyon ng korte suprema dahil nangangahulugan ito na wala ng makakapigil sa tuloy tuloy na pagbabago at pag asenso ng lalawigan.

Aniya, lubos ang kaniyang pasasalamat sa mga Camnorteño na sumuporta at naniwalang kakatigan ng Korte Suprema ang kaniyang petisyon. Idagdag pa umano dito ang mga taong patuloy na naniwala at bumoto sa kaniya sa nakatalikod na eleksiyon kung saan lumamang ito ng mahigit 45,000 sa kalaban sa kabila ng isyu ng diskwalipikasyon.

Panawagan ngayon ng gobernador na sana ay huwag nang magkawatak watak ang mga kababayan at itigil na ang pulitika dahil wala na umanong dahilan para dito.

Mas makabubuti aniya na tutukan nalang ang pagsasakatuparan ng mga programa at proyekto para sa ikauunlad ng lalawigan ng Camarines Norte.

 

Camarines Norte News