Setyembre 15, 2019, Daet, Camarines Norte – Mahigit dalawang libong (2,000) field researchers ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kakatok ngayong darating na buwan ng Oktubre sa mga kabahayan sa buong Bicol para sa “Listahanan Program” ng nasambit na ahensiya.

Layunin ng naturang programa na alamin ang bilang at kalagayan ng mga mahihirap na sambahayan sa anim na probinsya ng rehiyon kabilang na ang Camarines Norte.

Ayon kay Jesseshan Marbella-Aycocho, Spokesperson ng DSWD Bicol, target ng ahensiya na mabisita ang umaabot sa 1.1 milyon na sambahayan sa Bicol mula sa kabuuang 16.1 milyon na bilang sa buong bansa.

Nabatid na taong 2015 nang huling isagawa ang nasambit na programa kung saan naitala ang 372, 451 na mahihirap na sambahayan sa buong Bicol mula sa kabuuang 1.08 milyon na nabisita ng DSWD.

Dagdag pa ni Aycocho, nagsimula nang sumailalim sa training ang mga field researchers na sasabak sa naturang programa na magsisimula sa buwan ng Oktubre ngayong taon at magtatapos sa Disyembre ng taong kasalukuyan pa rin.

Ang impormasyong makakalap sa  “Listahanan Program” ay magsisilbing basehan ng ibat ibang ahensiya ng gobyerno sa pagtukoy kung nasaan ang mahihirap na sambahayan sa bansa para sa implementasyon ng mga programa at upang maipaabot ang mga serbisyo ng pamahalaan.

 

Camarines Norte News