Setyembre 15, 2019, Daet, Camarines Norte – Matagumpay na isinagawa kamakailan sa lalawigan ng Camarines Norte ang Mangrove Tree Planting at Coastal Clean-up Drive sa bahagi ng coastal area na nasasakop ng Bagasbas Beach sa bayan Daet.

Hindi nagpatinag sa masamang panahon ang mgakawani at  indibidwal na nakiisa sa naturang gawain na nagmula sa ibat-ibang tanggapan ng Pamahalaang Nasyonal at Lokal kasama ang ilang personel ng Philippine National Police (PNP), mga guro at iba pa.

Pinangunahan ito ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gobernador Edgardo Tallado katuwang ang Civil Service Commission (CSC) ng Camarinies Norte.

Ito ay kaugnay sa pagdiriwang ng ika-119 Serbisyo Sibil ngayong buwan ng Setyembre na may temang Civil Service at 119: Upholding Integrity and Building a High-Trust Society”.

Libu libong binhing bakawan ang naitanim sa naturang lugar kung saan isinagawa rin ang paglilinis o clean up drive sa tabi ng baybayin.

Nabatid na taun taong isinasagawa ang naturang Gawain kaugnay ng pagdiriwang ng Serbisyo Sibil kung saan binigyang pagpapahalaga ang pagtatanim ng mga bakawan na nagsisilbing proteksyon laban sa kalamidad at maaari ring pagkuhaan ng kabuhayan ng kumunidad.

Binibigyang pansin din dito ang kahalagahan ng malinis na baybayin at kapaligiran na isa sa mga tungkulin ng bawat civil servant at ng buong sambayang Pilipino.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Roden Rosario