Setyembre 20, 2019, daet, Camarines Norte – Muling nagpaalala ang Department of Trade & Industry (DTI) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga mamimili ukol sa tamang pagpili at paggamit ng Christmas lights para makaiwas sa posibleng peligro.

Dahil ito sa inaasahang pagdagsa sa merkado ng ibat ibang produktong Christmas light kung saan ang ilan sa mga ito ay substandard na posibleng magdulot ng peligro tulad ng sunog.

Ayon kay DTI Provincial Director Cynthia Olaguer,  importanteng alamin ng mamimili kung saan ginawa ginawa ang naturang produkto.

Makikita umano sa mga markings sa kahon nito kung ito ay gawa sa bansa o imported.

Kung ito ay gawa sa Pilipinas, mayroon dapat itong nakalagay na quality marks na nangangahulugang nakapasa ito sa Philippine National Standard (PNS).

Kung imported naman ay dapat rin na mayroon itong Import Commodity Clearance (ICC) certificate at upang mas makasigurado ay maaari magtanong sa tanggapan ng DTI.

Payo nito sa mga mamimili, bumili lamang ng Christmas lights sa mga kilalang hardware o tindahan at huwag sa mga bangketa.

Paalala naman ng BFP, bukod sa pagsiguro sa mga markings at product standards, makabubuti rin na icheck ang mga wires at saksakan bago ito gamitin.

Nararapat ding sundin ang mga safety tips tulad ng paglayo ng mga Christmas lights sa mga bagay na madaling masunog, bunutin ang saksakan bago matulog o umalis ng bahay at iwasan ang pag ooverload at octupus connection.

Sa huli ay nanawagan ang mga ito na mag ingat at maging alerto para iwas sunog ngayong kapaskuhan.

 

Camarines Norte News