Setyembre 28, 2019, Daet, Camarines Norte – Kinilala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte sa pangunguna ni Governor Egay Tallado sa katatapos lamang na Intensive Out-Patient (IOP) Moving Up Ceremony at After Care Program (ACP) Graduation Rites sa Villa Caceres Hotel, Naga Camarines Sur kahapon, Setyembre 27, 2019.

Ang dalawamput limang nagtapos mula sa 6 na buwang rehabilitasyon ng mga Persons Who Used Drugs (PWUDs) sa Department of Health-Camarines Sur Treatment and Rehabilitation Center ay mula sa mga bayan ng Labo, Daet at Mercedes. Sila na ang ikatlong batch mula sa ating Lalawigan na ginabayan, sinuportahan at sinubaybayan para mabago ang buhay at tuluyang mailayo sa mapanganib na epekto ng ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay Bb. Donna Coleen G. Nieva, Health Education and Promotion Officer (HEPO)ll at Program Coordinator, dalawamput dalawa(22) ang nagtapos mula sa First batch, samantalang lima(5) naman ang nagtapos sa ikalawang batch.

Nabatid na sinagot ng Provincial Government ang ilang bahagi ng gastusin ng mga PWUDs tulad ng dental, medical, at drug tests samantalang may bahagi rin ang kanilang mga MADAC o Municipal Anti-Drug Abuse Councils.

Magugunita na sa pangunguna ng Provincial Anti-Drug Abuse Council Chairman Governor Egay Tallado,naging kautusan nito ang tutukan at tulungan hindi lang ang mga kabataang gumagamit ng droga, kundi maging ang mga nakatatanda na kung hindi maisasalba ay magiging sakit ng lipunang ating ginagalawan.

Ang Certificate of Appreciation ay tinanggap ng Provincial Government sa pamamagitan ni Bb. April Rose Rogacion Guinto, ang Provincial Peace and Order Council (PPOC) / Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) Focal Person, kasama si Asst PSWD Officer Cynthia Rodrigueza Dela Cruz at HEPO ll Donna Coleen G. Nieva.

Ayon kay Governor Egay Tallado, ang nasabing pagkilala ay magsisislbing inspirasyon at bahagi ng hakbang para ipaalam sa ating mga kababayan na seryoso ang kanyang administrasyon sa kampanya laban sa droga, gayundin ang pagtulong sa rehabilitasyon ng mga nalululong na sa anumang ipinagbabawal na gamot.

Dedikasyon, Intensive commitment at Outstanding Support sa Treatment and Rehabilitation program ng Pamahalaan para mailayo sa droga ang mga kabataan at maisalba ang nalulunong dito, kasabay ang walang humpay na kampanya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte ang naging dahilan upang makamit nito ang pagkilala.

 

Camarines Norte News

Details courtesy of Ivy Consuelo Garcia

Photos courtesy of  April Rose R. Guinto -PPOC~PADAC Focal Person, PGCN