Oktubre 1, 2019, Daet, Camarines Norte – Pormal ng nilagdaan kahapon ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ni Gov. Egay Tallado at Government Service Insurance System (GSIS) sa pamamagitan ni Ms. Celeste Enicinas Ferreras Branch Manager ng GSIS Camarines Sur, Naga city at Camarines Norte ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa programang GSIS Financial Assistance Loan (GFAL) na pwede nang ma avail ng mga regular na empleyado ng gobyerno at miyembro ng GSIS.

Nabatid na ang GFAL ay isang programa ng GSIS kung saan babayaran ng GSIS ang outstanding loan balance ng mga regular na empleyado ng gobyerno sa mga private lending institutions.

Kung nag-apply at nag-qualify ang nasabing member sa GFAL, ererestructure ang loan at babayaran ito ng member sa GSIS sa mas mababang interest at amortization at mas mahabang term.

Layunin nito na  maiayos ang kakayahang pang-pinansyal ng GSIS members at mabigyan ng abot- kayang loan package ang mga empleyado  upang mabayaran ang kanilang outstanding loan balance sa private lenders at para na rin gumanda ang collection efficiency ng GSIS.

Nabatid na una ng naipatupad ang nasambit na programa sa mga kawani ng Department of Education (DepED) nitong nakatalikod na taong 2018.

Sa  programa, babayaran lamang ng mga kawani ng gobyerno ang kanilang utang ng may anim na porsyentong interes sa kada taon sa loob ng anim na taon.

 

Camarines Norte News