Oktubre 3, 2019, Daet, Camarines Norte – Pasok ang Bantayog Festival ng lalawigan ng Camarines Norte bilang isa sa mga nominado sa sub-category na “Search for the Best Tourism Event – Commemorative to Historic Event” ng Association of Tourism Officers-Department of Tourism (ATOP-DOT) Pearl Awards 2019.

Ito ang kauna unahang pagkakataon na naging kalahok ang lalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitang ng Pamhalaang Panlalawigan at ng Provincial Tourism Office sa nasambit na patimpalak.

Nabatid na dapat na nagpapakita ng karangalan, pagkamakabayan at pagkakaisa tungo sa kalayaan ang isang tourism event upang mapabilang sa mga nominado – bagay na nakita sa pagdiriwang ng Bantayog Festival sa lalawigan ng Camarines Norte na sumasariwa din sa mga makabuluhang pangyayari sa kasaysayan ng lalawigan.

Itinatampok sa naturang patimpalak kalaban ng anim pang Festivals sa ibat ibang bahagi ng bansa ang 99th Founding Anniversary at 15th Bantayog Festival na may Temang “Nagkakaisang Camnorteńo Tungo sa Bagong Siglo” na ipinagdiwang mula Abril 02-Mayo 06 ng taong kasalukuyan.

Samantala, si Provincial Tourism Officer Mariano “Bong” Palma naman na kinilala kamakailan bilang isa sa mga  Most Outstanding Alumni ng Bicol University sa kanilang 50th Founding Anniversary noong September 21, 2019 sa Legazpi City, Albay ay finalist naman sa Search for Outstanding Tourism Officer of the Philippines.

Ang ATOP-DOT Pearl Awards ay isang kompetisyon  para sa mga local government units kung saan naglalaban laban ang mga ito sa ibat ibang parangal na may kaugnayan sa pagsusulong ng turismo. Kabilang sa mga major award categories ay ang best tourism offices/clubs/associations, best practices in community-based responsible tourism, at best tourism events.

Binibigyang karangalan ng ATOP-DOT Pearl Award ang mahalagang kontribusyon ng mga Tourism Offices at Lokal na Pamahalaan upang makamit ang Sustainable Tourism Development ng kani-kanilang lugar.

 

Camarines Norte News

Photos from Provincial Tourism Office FB Page