Oktubre 4, 2019, Mercedes, Camarines Norte – Nagsimula na ngayong araw ang dry run sa opearsyon ng temporary central terminal sa bayan ng Mercedes.

Dakong 4:00 ng umaga ngayong araw ng magsimula ang naturang operasyon kung saan ginawang pansamantalang terminal ang covered court sa harap ng Mercedes Evacuation Center upang dito magsakay ng mga pasahero patungong bayan ng Daet ang mga jeepney na dating nagpipick up sa tabi ng kalsada sa kasentruhan ng bayan.

Sa panayam ng Cool Radio News Fm kay PMaj. Joselito Bermas, Hepe ng Mercedes PNP,  nilinaw nito na temporary terminal lamang ito at dry run pa lamang ang naturang operasyon habang inaasikaso pa ng Lokal na Pamhalaan ang pagkakaroon ng pasilidad na gagawing permanenteng terminal.

Aniya, naobliga sila na magtalaga ng pansamantalang terminal bilang pagtalima sa kautusan ng Pangulo at ng DILG na linisin ang kalsada at tanggalin ang mga illegal parking at illegal terminals.

Sa naturang operasyon, ang mga pasahero na mula sa bayan ng Daet ay ibaba sa terminal at sasa luhin naman ng mga tricycle. Ang matitira naman na patungo sa may bahagi ng pandawan ay ihahatid ng jeep at pagkatapos ay babalik ito sa terminal upang doon na pumarada imbes na sa tabi ng kalsada.

Bawal naman aniyang magsakay ng pasahero mula sentro ng Mercedes patungong terminal ang mga jeep  upang bigyang pagkakataon naman ang mga tricycle na makakuha ng pasahero patungong terminal nang sa gayon ay pare pareho silang kumita.

Nilinaw naman ng opisyal na tatagal lamang ng tatlong (3) minuto ang pagsasakay ng pasahero ng mga jeep sa terminal at tatakbo na ito puno man o hindi. Pwede naman aniya itong magpick up along the way patungo sa bayan ng Daet.

Samantala, ilang pasahero naman ang nagrereklamo dahil sa bagong sistemang ito dahil doble pamasahe pa aniya ito at nakakaabala pa sa oras lalo na kung nagmamadali na.

Sinabi naman ni PMaj Bermas na pagbigyan na muna ang nasabing pagbabago dahil di naman aniya makakamit ang development at progress kung maliit na isyu lamang ay magrereklamo na ang mga tao.

Dagdag pa ni Bermas galing din siya sa ibang bayan maging sa Naga city kung saan halos katulad din ang naging sitwasyon na sa una ay madaming negatibong komento ang mga tao na palagi naman aniyang nangyayari pero sa huli ay tinaggap din ng mga tao at nang masanay na ay nagdulot din naman ng progreso at kaayusan.

 

Camarines Norte News