Oktubre 4, 2019, Daet, Camarines Norte –Dumulog ang mga pinuno ng Camarines Norte Inter Church Fellowship (CANICEF) sa Sangguniang Panlalawigan ukol sa pagpigil ng anumang ordinansa na susuporta sa Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Bill sa lalawigan.

Sa ginanap na ika-12 Regular na Sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong nakatalikod na araw ng Miyerkules, hiniling ng CANICEF sa pamamagitan ng Chairman na si  Pastor Melchor Sangria na magpasa ng resolusyon na nagpipigil sa mga lokal na pamahalaan at sanggunian na magpasa ng batas o ordinansa na sumusuporta sa SOGIE Bill.

Ayon kay Sangria, hindi sila against sa pagkakaroon ng LGBT sa komunidad subalit mahigpit nilang tinututulan ang mga batas na sumusuporta sa kanilang karapatan lalo na ang SOGIE Bill dahil meron na umanong nag eexist na Bill of Rights para sa lahat.

Ilan sa mga tinukoy na kadahilanan ng CANICEF sa pagtutol sa SOGIE Bill ay ang pag reject umano nito sa disenyo ng Panginoon na magkaroon lamang ng lalaki at babae gayundin ang halos pagpilit na umano sa mga tao na tanggapin ang homosexuality bilang normal, natural at moral na paniniwala at gawain bagay na hindi pinahihintulutan g Bibliya.

Bukod pa dito, nilalabag din umano nito ang pagiging sagrado ng kasal at pagpapamilya.

Tinalakay din sa position paper na bitbit ng CANICEF ang posibleng pagtaas pa ng kaso ng HIV sa lalawigan dahil sa page engage umano ng ilang miyembro nito sa mga gawaing hindi naman dapat ginagawa ng parehong kasarian.

Tila din umano hinihingi na nito ang supreme right dahil sa kung makakapasa ang batas ay hindi na maaaring magpreach ang kaparian sa kanila tungkol sa pagkakaroon lamang ng dalawang kasarian dahil maituturing na itong diskriminasyon na may karampatang parusa na malaking halaga at ilang taon ng pagkakakulong.

Nababahala umano sila dahil kahit hindi siguradong makakapasa ito sa senado ay baka mayroong magsulong nito sa mababang kapulungan tulad ng naipasa na sa Cavite city.

Ayon kay Board Member Godfrey Parale ang nasabing isyu ay maituturing na national concern at hindi sila pwedeng gumawa ng katulad na batas. Dagdag pa nito, hindi natatalakay ang naturang usapin kung hindi pa dumulog ang pamunuan ng  CANICEF at hindi pa rin naman aniya nito nakikita na magsasabatas sa lokal ng na lebel ng kahalintulad na batas. Gayunpaman, kinikilala umano ng SP ang pagkatao ng mga miyembro ng LGBT.

Sa pahayag naman ni Board Member Mike Canlas, nakikita nito na palalang problema ang usapin ng pagkakapantay pantay at binigyang diin nito na ang mga miyembro ng LGBT ay tao din na gawa ng Diyos. Aniya, kinikilala na sa lipunan ang LGBT dahil may mga representative sa congress at iba pang sector ng lipunan na kinikilala na ng batas.

Dagdag pa nito, dapat ay pangkalahatan ang pagpapasa ng batas at lahat ng parte ay tinitingnan. Baka aniya dumating ang panahon na kailanganin ito dahil hindi maiiwasan ang mga scenario na magkailangan tulad ng sa isyu ng pagkakaroon ng hiwalay na CR para sa mga transgender.

Sa huli ay nagpasalamat naman si Acting Vice Gov. at Presiding Officer Concon Panotes sa pagdalo ng mga nasambit na bisita at nagsabi na iginagalang ng SP ang karapatan ng bawat isa. Naniniwala din umano siya na ang lahat ay pantay pantay, may puso at damdamin, lahat ay nasasaktan kaya dapat galangin at irespeto ang bawat isa lalo na ang batas ng Diyos.

 

Camarines Norte News