Oktubre 7, 2019, Daet, Camarines Norte – Magsisimula na ngayong araw ang Palarong Panlalawigan na dadaluhan ng mga delegasyon mula sa ibat ibang distrito at paaralan sa buong lalawigan ng Camarines Norte.

Bago pormal na buksan ang pagsisimula nito ngayong hapon, isinagawa ngayong umaga sa Eco Athletic Field sa bayan ng Daet ang Solidarity Meeting na pinangunahan ng mga tournament managers at ilang opisyal ng Department of Education (DepEd) Camarines Norte na dinaluhan naman ng mga guro na tumatayo bilang coaches, officiating official at chaperones.

Dito ay nagbigay ng mensahe si Asst.Schools Division Superintendent Maria Flora T.Pandes kung saan sinabi nito na sana ay kalimutan ng mga na magsisilbi sa Palaro ang kani-kanilang district at school colors bagkus ay tutukan ang tunay na layunin ng aktibidad na makapili ng pinakamahuhusay na mga atleta na magtataas ng bandila ng Camarines Norte sa Palarong Bicol at maging sa Palarong Pambansa.

Naniniwala umano si Pandes sa sinabi ni DSSOA President Sylvano Ilao na may home court advantage ang mga atleta ng lalawigan sa Palarong Bicol na gaganapin sa susunod na taon subalit magiging makatotohanan lamang ito kung magiging involved ang mga opisyal ng bawat event sa pagpili ng pinakamahuhusay at isasantabi ang pagpabor lamang sa mga atletang mula sa kani-kanilang distrito.

Nangangahulugan din aniya ang solidarity meeting na dapat ay maging solid ang mga guro na nasa likod ng Palaro sa kanilang mga hangarin at kumilos bilang isa upang makamit ang minimithing tagumpay.

 

Camarines Norte News