Oktubre 10, 2019, Basud, Camarines Norte – Mahigpit na ipatutupad ng Basud PNP ang kanilang isinasagawang drug clearing operations upang tuluyan nang masugpo ang problema ng ilegal na droga sa nasambit na bayan.

Sa panayam ng Cool Radio News Fm kaninang umaga sa hepe ng Basud PNP na si PCapt. Diane De Vera, sinabi nito na ang kanilang pagkilos ay batay na rin sa kautusan ni Mayor Adrian Davoco dahil napansin umano nito na parang hindi na sinusunod ng mga tao partikular na ng mga persons who use drugs ang mga iniimplement na programa ng pamahalaan kontra ilegal na droga.

Ito ay dahil aniya sa mga kaso ng muling pagpopositibo sa drug test ng mga dating drug surenderees kung saan ang ilan pa ay muling nahuli sa buy bust operations.

Ayon sa opisyal, posibleng muling bumabalik sa pag gamit ng ilegal na droga ang mga drug surenderees dahil inaakala ng mga ito na pagkatapos nilang sumailalim sa intervention ng gobyerno ay hindi na sila minomonitor.

Sa kabila nito, nilinaw ng opisyal na kanila pa ring sinusubaybayan ang involvement ng mga ito sa operasyon at pag gamit ng ilegal na droga.

Tuloy tuloy din aniya ang mga community based interventions para sa mga ito katuwang ang Lokal na Pamahalaan partikular na ang mga Barangay Anti Drug Abuse Council (BADAC). Depende din aniya ang intervention sa lebel ng pag gamit ng droga kung saan ang iba ay kinakailangan na talagang i-rehab.

Gayunpaman, tutukan din ang mga pasaway na patuloy pa rin sa pagbebenta nito at titiyakin na ang mga lalabag ay mananagot sa batas.

 

Camarines Norte News