Oktubre 11, 2019, Daet, Camarines Norte – Mahigpit ng ipinatutupad sa lahat ng premises ng Kapitolyo Probinsiyal ang pagbabawal sa pagdadala at pag iiwan ng basura partikular na ang mga plastic wastes .

Base sa Memorandum na ibinaba nitong nakatalikod na Oktubre 2, 2019 ni Gov. Egay Tallado, mahigpit na ipinag uutos ang pagtalima ng mga empleyado at lahat ng magtutungo sa buong compound ng kapitlyo sa “ZERO WASTE POLICY” na inimplement ng Pamahalaang Panlalawigan.

Sa nasabing polisiya, ipinagbabawal ang pagdadala sa kapitolyo ng mga basurang plastic tulad ng mga food containers mula sa mga take out counters ng mga fast food chains at iba pang kainan kung kayat pinapayuhan ang mga empleyado na magdala ng pansariling food containers para sa kanilang pagkain.

Ang mga caterers naman na magdadala ng pagkain sa mga events at aktibidad sa kapitolyo ay kinakailangan sumunod sa “Waste in, Waste out” policy kung saan lahat ng kanilang bitbit sa pagdating at dadalhin din palabas kasama ang mga basura.

Ang mga basurang papel naman ay kinakailangang icompile ng maayos at hindi dapat na ginugumos.

Kinakailangan ding iuwi ng mga empleyado maging ng mga bisita ng kapitolyo sa kani kanilang bahay ang mga personal na basura tulad ng mga tissue paper.

Samantala, naatasan naman Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), General Services Office (GSO) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) na magdisenyo ng mga campaign materials para sa mas maayos na diseminasyon at implementasyon ng naturang polisiya.

Babantayan at imomonitor naman ng mga personnel ng Provincial Custodial and Security Services Division (PCSSD) ang pagsunod sa nasambit na polisiya partikular na ng mga walk-in na bisita maging ng mga nagtitinda ng mga pagkain na gumagamit ng plastic packaging.

Nakasaad sa memorandum ang mga penalidad para sa sinumang lalabag sa polisiya kabilang na ang community service at multa habang pwede namang umabot pa sa suspension kung ang lalabag ay kawani ng kapitolyo.

Layunin ng pagpapatupad ng naturang polisya na makatulon na maibsan ang nararanasang problema sa basura sa lalawigan ng Camarines Norte.

 

Camarines Norte News