Oktubre 11, 2019, Daet, Camarines Norte – Target na muling masungit ng mabubuong delegasyon ng Camarines Norte ang Cleanest, Greenest at Most Eco-Friendly Award sa Palarong Bicol na gaganapin dito sa lalawigan sa susunod na taon.

Sa ginanap na Solidarity Meeting bago ang pormal na pagbubukas ng Palarong Panlalawigan nitong nakatalikod na araw ng Lunes, hinikayat ni Dr. Noel Ibis ang mga coaches, officials at mga chaperones na muling makiisa sa pagsasakatuparan sa adhikain na muling masungkit ang nasambit na parangal.

Aniya,bagaman inaasahan na ang magandang performance ng mga atleta ng Camarines norte sa lahat ng laban sa ibat-ibang larangan sa Palarong Bicol, isa ring karangalan ang makilala bilang pinakamahusay at disiplinadong delegasyon sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan lalo na at dito mismo sa lalawigan gaganapin ang palaro.

Dagdag pa ni Ibis, dating mekanismo lang ang kanilang susundin upang makamit ang parangal.

Magugunitang naiuwi ng Camarines Norte Delegation ang naturang parangal sa Palarong Bicol na ginanap sa Masbate City nito lamang Pebrero ng taong kasalukuyan.

Sa pamamagitan at pangunguna din ni Dr. Noel Ibis ay nasungkit naman ng delegasyon ng Bicol Region ang parehong parangal sa ginanap na Palarong Pambansa idagdag pa ang Most Organized Delegation Award.

Sa huli ay nagpasalamat si Ibis sa lahat ng sumuporta upang makamit ang nasambit na parangal at binigyang pagkilala din nito ang mahalagang papel na ginampanan ng mga guro sa paghikayat at pamumuno naman sa mga atleta na iprayoridad din ang kalinisan at kaayusan.

Hiniling din nito na sana ay ipractice ang ito sa Palarong Panlalawigan pa lamang at sana aniya ay muli itong makamit sa Palarong Bicol 2020.

 

Camarines Norte News