Oktubre 11, 2109, Mercedes, Camarines Norte –  Hindi na nakapalag pa ang isang lalaki sa bayan ng Mercedes matapos makunan ng hinihinalang shabu ng mga otoridad dakong 1:15 ng madaling araw kahapon, Oktubre 10, 2019.

Kinilala ang naarestong si Arnel Magadan y Paday alyas “Pabo”, 45 anyos, residente ng Purok 1A, Brgy 7, Mercedes, Camarines Norte.

Base sa tala ng Mercedes PNP, nagtungo ang operatiba ng Mercedes MPS, CNPPO-PIB, 1st CNPMFC katuwang ang  PDEA sa tahanan ng nasambit na suspek bitbit ang search warrant para sa pagalabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa paghahalughog ng otoridad kasama ang mga representative mula sa Barangay at media, positibong nakuha mula sa mga gamit ng drug suspect ang dalawang sachet ng hinihinalang ilegal na droga.

Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa suspek na nasa kustodiya na ng Mercedes MPS para sa kaukulang disposisyon.

Nabatid na si Magadan ay kabilang sa mga indibidwal na nasa drug watchlist ng nasambit na himpilan ng pulisya.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Ricky Pera