Oktubre 17, 2019, Daet, Camarines Norte – Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ang pagbibigay ng komendasyon sa Provincial Tourism Office at kay Provincial Tourism Officer Mariano “Bong” Palma para sa karangalang naiuwi nito sa lalawigan sa katatapos lamang na  Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) – Department of Tourism (DOT) Pearl Awards.

Ito ay sa  pamamagitan ng isang resolusyon na inakda ni Board Member Renee Herrera, Chairwoman – SP Committee on Tourism.

Layunin ng komendasyon na bigyang pagkilala ang pagsisikap ng Provincial Tourism Officer at ng kaniyang opisina upang makamit ang natatanging parangal na siyang naging dahilan upang mas makilala ang lalawigan ng Camarines Norte partikular na ang pagdiriwang ng Bantayog Festival sa larangan ng Turismo sa buong Pilipinas.

Nabatid na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ng nasambit na parangal ang lalawigan ng Camarines Norte kaya naman isa rin itong karangalan para sa Pamahalaang Panlalawigan.

Magugunitang nitong nakatalikod na Oktubre 5, 2019 ay tinanggap ni PTO Bong Palam ang parangal na “Special Award for the Best Tourism Event – Commemorative to Historic Event”  para sa Bantayog Festival sa ginanap na pagpaparangal ng ATOP – DOT sa Paoay Church, Ilocos Norte.

Kamakailan ay ipinresenta na din ni Palma ang natanggap na parangal sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na nagpaabot naman ng kanilang pagbati at pasasalamat.

 Photo from Provincial Tourism Office – Camarines Norte

 

 

Camarines Norte News