Oktubre 18, 2019, Daet, Camarines Norte – Mahigpit ng ipatutupad sa lalawigan ng Camarines Norte ang pagbabawal sa pagbiyahe ng mga tricycle at pedicab sa gitna ng highway alinsunod sa alinsunod sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa panayam ng Cool Radio News Fm kay PCol Marlon Tejada, Provincial Director ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), sinabi nito na nakatakda niyang pulungin ang mga Hepe ng mga Municipal Police Stations para sa istriktong implementasyon ng nasambit na kaatasan kung saan pwede na lamang dumaan ang mga tricycle sa outer lanes ng Maharlika Highway.

Magugunitang kamakailan ay puspusan ang isinasagawang road widening ng DPWH kasabay pa ang road clearing operations ng mga LGU na nagpaluwag sa mga kalsada partikular na sa national highway.

Ayon sa opisyal, asahan na ang paghihigpit lalo na sa mga lugar na mayroon ng 4 lanes ang maharlika highway tulad ng nasasakop ng bayan ng Talisay at Labo.

Nilinaw naman ng PD na papayagan pa rin ang mga pedicab at tricycle na makadaan sa main highways nang nakasasakop na sangguniang panlungsod o sangguniang bayan kung talagang walang alternatibong ruta sa mga patutunguhan ng kanilang mga sakay.

Salig sa ilalim ng Local Government Code, may awtoridad ang mga municipal mayors, sa pamamagitan ng kanilang mga sanggunian, na isaayos at pakialaman ang operasyon ng mga  tricycle sa kanilang nasasakupan.

Sa huli, sinabi ng opisyal na bagama’t malaking tulong ang tricycle at pedicab operations para sa kabuhayan at pagkakakitaan ng mga drivers nito ay mapanganib naman aniya sa kanilang kaligtasan kung bibiyahe sila sa mga national highway kung saan bumabagtas ang malalaki at matutuling sasakyan.

 

Camarines Norte News