Oktubre 18, 2019, Daet, Camarines Norte – Muling nanawagan si Governor Egay Tallado sa pamamagitan ni Community Affairs Officer Jing Arriola Calimlim sa lahat ng Provincial Government College Education Assistance PrograM (PGCEAP) Grantees ngayong taon na dumalo sa gaganaping MOA Signing at Orientation sa Oktubre 23, 2019 araw ng Miyerkules, ala-una ng hapon sa Camarines Norte Agro Sports and Cultural Center sa bayan ng Daet.

Nagpaalala ang CAO sa mga grantees na edad 18 taong gulang pababa na kailangang kasama sa nasambit na aktibidad ang kanilang mga magulang o guardian habang ang mga grantees naman na 18 taong gulang pataas ay inabisuhang magsumite ng kanilang photocopied ID (back and front) gayundin ang  P50.00 para sa pagpapanotaryo.

Ipinaalala pa ni Community Affairs Officer Calimlim na ang MOA ay requirement para makuha ang second semester certification bilang scholar ng mga nag-aaral sa pribadong paaralan, samantalang requirement naman ito para para makasama sa payroll ng mga bibigyan ng allowance ang mga nakatala sa ibat-ibang campus ng Camarines Norte State College (CNSC).

Nabatid na patuloy ang pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na maging bahagi ng mas makabuluhang kinabukasan sa pamamagitan ng pagtatapos sa pag-aaral ng mga kabataan sa Camarines Norte alinsunod na din sa hangarin ni Governor Egay Tallado na sa bawat pamilya ay may makatapos ng pag-aaral.

Bukod sa PGCEAP ay nagpapatuloy din ang PGHSEAP o Provincial Government High School Education Assistance Program na para naman sa mga incoming grade 7 students.

 

Camarines Norte News