Oktubre 28, 2019, Daet, Camarines Norte – Karagdagang benepisyo para sa mga barangay officials ang kahilingan ni Congresswoman Marisol “Toots” Panotes.

Sa ilalim ng House Bill 02701, nais nitong bigyan ng 20% na diskwento sa pamasahe sa anumang sasakyang pangtransportasyon ang mga opisyal ng barangay maging ito man ay sasakyang panglupa, tubig, o sa eroplano.

Ayon sa kongresista, mahalaga ang papel ng mga barangay officials sa paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan. Gayunpaman, kapalit ng mandatong pagseserbisyo ay ang mababang honorarium na kanilang natatanggap kasama ang kakarampot na benepisyo.

Mayroon pa aniyang mga pagkakataon na kinakailangan ng mga itong magtugo sa ibang mga lugar bilang bahagi ng kanilang trabaho kung saan bitbit lamang ng mga ito ang maliit na allowance para sa transportasyon at pagkain.

Minsan nga aniya ay napapasubo pa ang mga ito sa pag gastos ng sariling pera para lamang makarating sa itinakdang lugar bilang bahagi ng kanilang tungkulin.

Kaya naman malaking bagay na umano na mabigyan ang mga ito ng diskwento na katulad ng tinatamasa ng mga estudyante at mga senior citizens.

Dagdag pa ng kongresista, taong 1970 pa ng magbigay ang Kongreso ng konsiderasyon sa mga senior citizens sa pamamgitan ng diskwento sa pamasahe para sa anumang serbisyong kanilang naipaabot sa bayan noong panahon ng kanilang kalakasan kaya marapat din naman aniya na mabigyan din ng kahalitulad na benepisyo ang mga opisyal ng barangay para sa kanilang serbisyo sa sambayanan.

 

Camarines Norte News