Nobyembre 5, 2019, Daet, Camarines Norte – Sinusimulan na ng Municipal Assessor’s Office ng Lokal na Pamahalaan ng Daet ang pagkakaroon ng makabago o mas advanced na teknolohiya sa tax mapping operation ng nasambit na opisina.

Ito ay sa pamamagitan ng Quantum Geographic Information System (QGIS) kung saan ang gumagamit nito ay may kakayahang kumuha, mag-imbak, magbago, , magsuri, at magpakita ng mga datos na may kaaikbat na impormasyon tungkol sa lokasyon na tinatawag ding geographically-referenced o spatially-referenced data.

Sa madaling sabi sa tulong ng computer at QGIS ay maari ng sagutin ang mga katanungan na may kinalaman sa lugar o kaya ay lokasyon partikular na ang mga sukat at mapa ng mga may ari ng real property sa bayan ng Daet maging ito man ay residential, commercial o agricultural.

Sa naging pagharap ni Municipal Assessor Charles Abarca sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa ginanap na ika 41 Regular na Sesyon kahapon, ipinaliwanag nito na isa ang nasambit na teknolohiya na kaniyang sinimulan at isinusulong ang isa sa mga rason kung bakit hiniling niya kay Mayor Benito Ochoa ang extension ng kaniyang serbisyo hanggang Marso ng taong 2020.

Ito aniya ay upang kaniya pang masubaybayan ang proseso ng pagbuo ng QGIS na inaasahang magdudulot ng malaking ginhawa sa nasambit na opisina at sa LGU dahil sa isang click lang aniya ay makikita na sa computer ang kabuuang sukat maging ang mapa ng alinman sa 40,000 declared real properties sa bayan.

Malaking tulong umano ito para hindi na manu-mano ang proseso ng pagkuha ng tax declaration sa nasambit na opisina.

Nagpahayag naman ng pagkabahala ang konseho sa aspeto ng pagtuturn over ng programa dahil sa nalalapit na pag alis ng opisyal.

Gayunpaman, nilinaw ni Abarca na may malinaw naman umanong contingency plan at transition sa papalit sa kaniyang pwesto at mga maiiwang empleyado sa opisina. Dagdag pa nito, buwan pa lamang umano ng Hulyo ng taong kasalukuyan ay sumailalim na sa training ang mga empleyadong bubuo magpapatuloy at magmementena ng programa.

Hiningi din nito ang tulong ng SB ukol sa nararanasang kakulangan sa personel ng nasambit na opisina para sa mas epektibong pagsisilbi sa mga kababayan.

 

Camarines Norte News