Nobyembre 6, 2019, Daet, Camarines Norte – Nangako ang bagong talagang OIC District Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Camarines Norte District Engineering Office (CNDEO) na aayusin ang mga patrabaho at paglalagak ng mga proyekto sa lalawigan.

Ito ang naging sentro ng mensahe ni Engr. Edwin Bermal sa ginanap na turn over ceremony kahapon sa District Engineering Office na pinangunahan ni Regional Director Virgilio Eduarte kasama ang mga empleyado ng nasambit na departamento.

Nagpasalamat si Engr. Bermal sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng mga empleyado ng CNDEO at nangakong kaniyang pagbubutihin ang trabaho. Kabilang aniya sa tututukan niya ay pagresolba sa mga nakabinbing proyekto at mga kontraktor na may negative slippage.

Ipagpapatuloy din aniya ang mahigpit na implementasyon ng kanilang office management system na sinimulan ni outgoing District Engr. Ricardo Gutierrez.

Pinalitan ni Bermal na dating Assistant Maintenance Division Chief ng Regional Office V si Engr. Gutierez na pansamantalang madedestino sa Regional Office V habang naghihintay ng bagong assignment.

 

Camarines Norte News