Nobyembre 7, 2019, Daet, Camarines Norte – Dead on the spot ang walo (8) habang  sugatan naman ang sampu (10) pang katao sa aksidenteng kinasangkutan ng isang tricycle, pampasaherong Bus at UV Express sa bahagi ng Zone 4, Brgy. San Vicente, Pamplona, Camarines Sur dakong 8:00 kagabi, Nobyembre 6, 2019.

Sangkot sa nasambit na aksidente ang JRV Bus na may plakang EVP-129 na minamaneho ni Leonardo Camu y BelchezUV Express Van na biyaheng Daet-Naga na may plakang EVU-222 at  minamaneho ni Armani Calpe, residente ng Daet, Camarines Norte at isang tricycle na minamaneho ng hindi pa nakikilalang driver.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Pamplona  Municipal Police Station, tinatahak ng bus ang highway patungo sa Manila nang pagsapit sa lugar ng insidente ay nag overtake ito sa nasa unahang tricycle kung saa natamaan pa nito ang likurang bahagi ng tricycle na nawalan ng kontrol at tumilapon sa kalsada.

Sa hindi inaasahan ay mabilis namang binabagtas ng UV Express na galing sa bayan ng Daet patungo sa siyudad ng Naga ang kabilang bahagi ng kalsada.

Dito na nagkasalpukan ang dalawang sasakyan  kung saan halos nawasak ang unahang bahagi ng bus habang natanggal naman ang bubong ng van sa tindi ng banggaan.

Dead on the spot ang driver ng van at pito (7) sa mga pasahero nito na sina Joepet Bernal y Ratilla ng Paracale Cam Norte, Irene Abas y Adague ng  Purok 4 Brgy. Pinambuhan, Mobo, Masbate,  Mae Acdan y Lanuzo ng  Brgy. 5 Kalye Sexy, Daet, Camarines Norte, Mark Dave Doctor y Rombines ng San Roque, Mercedes, Camarines Norte, at Josephine Golgota y Dela Cruz ng Purok-1 Ilaor, Oas Albay.

Samantala, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa  (2) pang biktima na nasawi sa insidinte.

Kabilang naman sa mga sugatang sakay ng UV Express sina Lusyl Golgota ng Ilaor Sur Oas, Albay, Lorena Sarmiento y Lacre ng Purok 1 Brgy. Cal Norte, Vinzonz, Camarines Norte, Marilyn Jubilo y Relato ng Purok 1 Ilaor Sur Oas, Albay,  Dalhia Doctor y Rombines ng San Roque, Mercedes, Camarines Norte, Ariel Vidal y Serrana ng Brgy. BorongBorongan, Milaor, Camarines Sur at Ralph Tibar y Bañaga ng Sta. Terisita, Baao, Camarines Sur

Isa naman ang naitalang nasugatan sa mga pasahero nu Bus na kinilalang si Jose Dador Jr, Hapa ng BatoBato St. Rizal, Makati City

Sugatan din ang tatlong lulan ng tricycle na sina Josephine Necerio y Del Castillo, Gina Necerio y Del Castillo at Marilou Alog y Nazaret, pawang mga residente ng Pamplona, Camarines Sur habang tumakas naman ang driver nito.

Agad na dinala sa ospital ang mga sugatan habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan sa insidente.

Nasa kustodiya na din ng Pamplona PNP ang driver ng Bus na posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide at Serious Physical Injuries.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Ruel Saldico