Nobyembre 7, 2019, Daet, Camarines Norte – Ipinahayag ni Konsehal Marlon Bandelaria ng LGU Daet ang kaniyang lungkot at pagkadismaya sa posibleng kalabasan ng kasong administratibo laban sa kaniya.

Sa pamamagitan ng isang privilege speech sa ginanap na ika-41 Regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet nitong nakatalikod na araw ng Lunes, sinabi ng konsehal na maaaring ito na ang huli o pansamantala siyang mawala sa Sangguniang Bayan dahil sa kahihinatnan ng kasong administratibong isinampa sa kaniya ni Michael Dolera na ang prayer umano ay pagkasuspinde o pagkatanggal sa paninilbihan bilang konsehal ng bayan.

Si Bandelaria ay may kasong “Engaging in partisan political activity, misconduct in office and violation of subjudice rule amounting to misconduct in office”.

Magugunitang sinampahan din sa Sangguninaig Bayan ng Daet ang tatlong Punong Barangay ng kahalintulad na kaso na nadismiss naman dahil sa Technicalities.

Aminado naman ang konsehal na kinakabahan siya sa magiging desisyon ukol sa kaniyang kaso na didinggin sa Sangguniang Panlalawigan at ipapaabot sa Gobernador na siyang magdedesisyon kung siya ay masususpinde o madidismiss.

Giit ni Bandelaria, hindi siya namumulitika bagkus siya ang biktima ng pamumulitika. Kumikilos lamang umano siya para labanan ang mga nagmamalabis, nang aapi, nangyuyurak sa karapatang pantao bilang mandato na rin sa kaniya na isang lingkod bayan.

Gayunpaman aniya, anuman ang kalabasan ng kaniyang kaso ay patuloy siyang lalaban para sa bayan ng Daet, para sa tama at para sa tamang pakikibaka.

Itinuring din nito ang kaniyang speech ay bilang pamamaalam na sa kaniyang mga kasamahan sa konseho na nagpayo naman dito na may mga legal remedies naman para sa kaso at ituloy lang ang laban at patunayan ang kaniyang panig.

Kahapon ay nagsumite na ng counter affidavit ang konsehal sa Sangguniang Panlalawigan.

 

Camarines Norte News