Nobyembre 12, 2019, Daet, Camarines Norte –Nagpatawag ng pulong si Gov. Egay Tallado pasado 2:00 ng hapon kanina sa Sangguniang Panlalawigan Session Hall upang talakayin ang mga paghahanda para sa idaraos na Palarong Bicol 2020 sa lalawigan ng Camarines Norte.

Dinaluhan ito ng mga pinuno at representatives ng mga ahensiyang mangunguna at tutulong upang maging maayos at matagumpay ang mga aktibidad sa nasambit na Palaro na gaganipin sa Pebrero 28 hanggang Marso ng susunod na taon.

Pangunahing dumalo ang magiging pinuno o punong abala na si Camarines Norte Schools Division Superintendent Nympha D. Guemo kasama ang Sports Coordinator ng DepEd CamNorte na si Mr. Nelson Gomez.

Dumalo rin ang ilang alkalde sa lalawigan kabilang na si Mayor Adrian Davoco ng Basud, Mayor Francis Ong ng San Vicente, Mayor Joseph Ascutia ng Labo at si Mun. Admin. Joan De Luna para kay Mayor Benito Ochoa ng bayan ng Daet.

Naroon din ang mga pinuno at representatives ng mga concerned agencies tulad ng PNP, BFP, DPWH, PDRRMO, DTI, DOT, CANORECO, CNWD-Prime Water, School Heads, PHO, LTFRB at iba pa.

Sa nasambit na pagpupulong ay iprinisenta ni Guemo at Gomez ng DepEd ang proposed budget para sa mga kakailanganing equipments, hosting at maging budget ng mga kometibang gagalaw para sa ikapagtatagumpay ng Palaro.

Tinalakay din dito ang magiging papel ng bawat ahensiya para sa maayos at mapayapang pagpapadaloy ng mga aktibidad gayundin ang seguridad ng mga delegasyon na mananatili ng mahigit isang linggo sa ibat ibang paaralan sa lalawigan.

Sa huli ay nanawagan ang Gobernador sa mga mamumuno maging sa mga kababayan na makiisa sa paghahanda para sa Palaro at tiniyak din nito na gagawin ang lahat upang maihanda ang probinsiya sa mahalagang aktibidad na ito.

Nagpahayag naman ng suporta ang mga alkalde at  lahat ng dumalo na nagkaisa na muling magdaraos ng pagpupulong  para plantsahin ang iba pang detalye ng paghahanda.

 

Camarines Norte News