Nobyembre 15, 2019, Daet, Camarines Norte – Agad na nagsagawa ng clearing operations ang Lokal na Pamahalaan ng Daet sa ilang lugar sa bayan ng Daet kaugnay ng pananalasa ng bagyong Ramon.

Sa kasagsagan ng ulan at hangin ay sumabak sa clearing operation sa Purok 4, Brgy. Calasgasan sa naturang bayan ang team ng Municipal Engineering Office at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).

Nabatid na ilang puno kasi ang nagbabadyang magdulot ng panganib sa mga residente sa nasambit na lugar maging sa mga dumadaang motorista lalo na at patuloy ang nararanasang lakas ni bagyong Ramon kaya agad na itong tinanggal ng mga personel ng mga nasambit na opisina.

Ang pagkilos ay base na rin sa kaatasan ni Mayor Benito “B2K” Ochoa, Vice Mayor Rosa Mia King, Mun. Admin Joan De Luna at mga miyembro ng Sangguniang Bayan partikular na ni MDR Committee Chair Coun. Felix Abaño na nagkakaisa lalo na para sa kaligtasan ng mga Daeteño sa panahon ng bagyo at sakuna.

Sa kasalukuyan ay tuloy tuloy pa din ang ginagawang operasyon ng LGU Daet na nagtutukoy at umaaksiyon sa mga lugar na kailangan ng tulong.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Carmichael De Alva