Nobyembre 15, 2019, Sta. Elena, Camarines Norte – Labis ang kagalakan ng isang ginang mula sa bayan ng Sta. Elena, Camarines Norte sa dobleng blessing na dumating sa kaniyang buhay matapos itong mapabilang sa mga matagumpay na nakapasa sa katatapos lamang na Midwifery Board Exam na ginanap sa Legazpi City sa kabila ng pinagdaanan nitong hirap sa pagsilang ng kaniyang sanggol tatlong oras bago ang nasambit na eksaminasyon.

Kinilala ang Registered Midwife na si Dolly Bardon mula sa bayan ng Sta. Elena.

Nabatid na hindi biro ang pinagdaanan ni Bardon para mairaos ang 2 araw na licensure exam kung saan madaling araw bago ang ikalawang araw ng exam ay naramdaman na nito ang nagbabadyang paglabas ng sanggol na kaniyang dinadala.

Agad umanong pumunta sa malapit na lying-in clinic mula sa kanilang review center sa Legazpi City si Bardon upang magpatingin dahil sumasakit na ang tiyan nito at may mga senyales na ng panganganak.

Pasadong 4:00 ng madaling araw nitong nakatalikod na Nobyembre 3, 2019 ay lumabas na nga ang sanggol sa pamamagitan ng normal delivery na labis namang ipinagpasalamat ng ginang.

Sa panghihinayang na hindi matapos ang nasimulan ng eksaminasyon ay nagdesisyon ang ginang na ituloy pa rin ang pagkuha dito.

Sa tulong ng mga kasamahan sa review center ay itinuloy ni Bardon ang pagkuha sa eksaminasyon sa kabila ng nararanasang paghilab pa rin ng tiyan bunsod ng natirang oxytocin, pagsakit ng tahi at pagdurugo dulot ng panganganak.

Nagawa pa rin nitong pumunta sa lying in sa mga breaks ng exam para magbreastfeed sa sanggol.

Nairaos ni Bardon ang exam at nakabilang sa 1,608 na pumasa sa Midwifery Board Exam.

Bilang pasasalamat sa mga tumulong sa kaniya, ipinangalan ni Bardon sa 3 namumuno at empleyado ng review center ang kaniyang baby.

Nagpaabot naman ng pagbati at pagpupugay sa pagpupursigi ni Bardon ang Congresswoman ng Unang Distrito ng lalawigan na si Cong. Josie Baning Tallado.

 

Camarines Norte News