Nobyembre 21, 2019, Daet, Camarines Norte – Binabalangkas na sa Sangguniang Panlalawigan ang implemantasyon ng Republic Act 11148 o mas kilala bilang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag NAnay Act” na naglalayong mas mapalakas ang mga Health and Nutrition Programs sa lalawigan sa pamamagitan ng mas pinatibay at “integrated” na mga istratehiya para sa kalusugan at nutrisyon ng mag nanay na nakapaloob sa unang isang libong araw o First 1,000 days of life na kinapapalooban ng maternal, neo-natal at hanggang sa maipanganak na ang bata at mag dalawang taong (2 years) ito.

Kamakailan ay isinagawa sa Session Hall ng SP ang unang public hearing para sa naturang ordinansa na pinamunuan ng author nito si Board Member Stanley Alegre.

Dinaluhan ito ng mga concerned individuals tulad ng mga Rural Health Physicians mula sa ibat ibang bayan sa lalawigan, Rural Health Nurses, SB Committee Chairpersons on Health, Municipal Nutritionists at mga representatives ng mga concerned agencies tulad ng DSWD, SPACFI, UNICEF at iba pa.

Dumalo din sa nasambit na konsultasyon si Dr. Arnel Francisco ng Provincial Health Office.

Layunin ng ordinansa na mawakasan ang malnutrisyon sa mga kabataan sa lalawigan partikular na sa bayan ng Capalonga at Paracale kung saan mayroon pa rin umanong mataas na kaso ng wasting at stunting ayon sa dumalong Nutritionist ng PHO.

Nakasaad sa ordinansa na mahalagang maibigay ang mga pangangailangang pangkalusugan, nutrisyon, edukasyon o impormasyon at iba pang social services sa mag nanay sa unang isang libong araw kasama na dito ang siyam na buwan ng pagbubuntis hanggang mag dalawang taon ang bata upang masiguro ang maayos at angkop na paglaki nito at maiwasan ang irreversible o hindi na maibabalik na epekto ng kakulangan sa mga nasambit na aspeto tulad ng pagkabansot at hindi normal na paglaki sa aspetong pisikal at mental.

Nagpahayag naman ng suporta at kani kaniyang suhestiyon ang mga dumalo sa pagpupulong para sa mas ikagaganda ng ordinansa bago ito sumalang sa ikalawang pagbasa sa SP.

Samantala, itatakda ang ikalawang public hearing ukol dito bago matapos ang buwang kassalukuyan.

 

Camarines Norte News