Nobyembre 22, 2019, Daet, Camarines Norte – Isinusulong ngayon ang pagkakaroon ng Halfway Home para sa mga buntis na nasa remote at coastal barangays sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa ginanap na Public Hearing para sa binabalangkas na ordinansa sa Sangguniang Panlalawigan para sa  implemantasyon ng Republic Act 11148 o mas kilala bilang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag NAnay Act” sa lalawigan, isa ang pagkakaroon ng halfway home para sa mga malapit nang manganak na buntis sa mga nais na maipaloob sa naturang ordinansa.

Ayon sa isang Rural Health Physician, mahalaga umano ito upang maiwasan ang maternal at pre-natal death na karaniwang nangyayari sa mga buntis na hindi agad na nadadala sa ospital kapag malapit na o sumpait na ang araw ng panganganak dahil sa napakalayo ng mga ito sa ospital partikular na ang mga nasa remote barangays o mga nasa tawid dagat pa.

Base sa tala ng DOH, nagkaroon ng pagtaas sa antas ng maternal death sa Pilipinas nitong nakalipas na huling tatlong taon dahil sa nasambit na kadahilanan.

Ang halfway home ay isang pasilidad na itinatayo malapit sa mga ospital kung saan pansamantalang mananatili ang mga buntis ilang araw o linggo bago ang kanilang due date upang mapadali ang paglipat ng mga ito sa ospital o mga lying ins sa araw na manganganak na ang mga ito.

Ayon naman kay Board Member Stanley Alegre, maganda ang nasambit na suhestiyon subalit mangangailangan ito ng malaki laking budget kayat mas makabubuti umano na bumuo ng hiwalay na resolusyon o ordinansa para dito. Pwede rin umanong ilapit sa Gobernador ang nasambit na kahilingan para malaanan ng kaukulang pondo kung pahihintulutan.

 

Camarines Norte News