Nobyembre 22, 2019,  Daet, Camarines Norte – Gagawin ng mandatory ang paglalagay ng mga breastfeeding stations sa mga pribado at pampublikong establisyemento sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ang nasambit ay nakapaloob sa ordinansang isinusulong ni Board Member Stanley Alegre ukol sa implemantasyon ng Republic Act 11148 o mas kilala bilang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag NAnay Act” sa lalawigan na naglalayong mas mapalakas ang mga Health and Nutrition Programs  sa pamamagitan ng mas pinatibay at “integrated” na mga istratehiya para sa kalusugan at nutrisyon ng mag nanay na nakapaloob sa unang isang libong araw o First 1,000 days of life na kinapapalooban ng maternal, neo-natal at hanggang sa maipanganak na ang bata at mag dalawang taong (2 years) ito.

Dito ay oobligahin ang mga may ari ng mga malls, department stores at iba pang business establishments na maglagay ng maayos na breastfeeding facility gayundin ang mga LGU at ahensiya ng pamahalaan na magkaroon nito sa kanilang nasasakop na gusali.

Suportado naman ito ng mga Health Nutritionist sa lalawigan maging ng mga health organizations dahil ayon sa kanila, karapatan ng sanggol na mabigyan ng sapat na nutrisyon sa pamamagitan ng breastfeeding na kung minsan ay hindi nito nakukuha dahil sa mga panghuhusga ng ilan sa mga nanay na nagpapadede sa mga pampublikong lugar.

Kaya naman makabubuti aniya na magkaroon ng kaukulang pasilidad kung saan malaya at maayos na makakapag breastfeed ang nanay sa kaniyang sanggol sa mga lugar tulad ng mga pamilihan, kainan, parke at iba pang lugar.

Bukod pa dito, may umiiral na rin umanong batas sa bansa na R.A. 10028 o Expanded Breastfeeding Promotion Act na sumusuporta, nagpuprotekta at nagsusulong ng breastfeeding bilang natural at tamang paraan ng pagbibigay ng nutrisyon sa mga sanggol.

 

Camarines Norte News